NAKASAMA NA NI Judy Ann Santos sa Ploning ang namamayagpag ngayon, hindi lang bilang isang komedyana kundi pati na rin isang dramatic actress na si Eugene Domingo.
Kaya nang tanungin si Juday sa presscon ng Metro Manila Film Festival entry ng OctoArts Films na My Househusband: Ikaw Na, kung hindi ba siya mai-intimidate sa presence ni Euge sa kanilang pelikula, lalo’t ‘the other woman’ ang gagampanan nito sa pagitan nila ng mister na si Ryan Agoncillo sa pelikula, eh natawa lang ang aktres.
“Mas madalas na sila ni Ryan ang magka-eksena. At alam natin na big acting talaga ‘pag si Euge ang nasa eksena. Kaya sa akin ibinigay ni Direk (Joey Reyes) ang mga punchline na pang-asar sa kanya. Ito na ang ibang version ng Mara Clara. Ako na si Clara. Hindi naman hinayaan ni Direk na magkaroon ng so-called sapawan. Basta ang gusto naming ma-achieve, na nagawa naman namin eh, ang maitawid ang mga eksena dahil makaka-relate ang mga manonood dahil nangyayari ito sa tunay na buhay.”
At dahil nga makaka-relate ang mga manonood sa mga eksenang masasaksihan nila, ang hindi naka-relate agad-agad sa mga katauhan nila sa pelikulang hindi sequel o third installment ng “Kasal, Kasali, Kasalo” at “Sakal, Sakali, Saklolo” eh, ang mismong mga bida.
Dahil hindi raw masigawan ni Juday sa mga eksena nila si Ryan kapag kailangan ang awayan scene sa pagitan nila.
Pero ang nangyayari naman, kapag may LQ o tampuhan sila ng asawa, si Direk din ang nahihirapan dahil “They are very quiet fighters! Kaya, afraid ako!”
In short, hindi sila nagkikibuan. Na inamin naman ng dalawa dahil ito raw ang nagwo-work sa kanila kung nag-aaway sila. Na palalampasin muna nila ang tatlo o apat na araw bago sila magka-bati.
Kaya ang Juday, spend ng time sa pagpapaganda, pagpapa-spa at iba pang makaka-uplift sa kanyang well-being. At ipinapa-miss kay Ryan ang luto niya.
Para nga naman, when they kiss and make up – ayun – malamang masundan na uli si baby Lucho!
AKO ANG NAGTANONG kay Jericho Rosales sa launching ng kanyang bagong iniendorsong Vantage Ace2 Double Blade Razors tungkol sa developments sa ginawa niyang paga-aral sa New York Film Academy sa Amerika kelan lang.
At kung hindi pa ba siya ganoong ka-confident sa naaabot na niya bilang isang mahusay na aktor sa bansa?
“For me, it was like, rehab in acting. Naengganyo ako because I still wanted to learn more at alam kong meron pa akong maraming kailangang matutunan. May iba namang mai-apply sa kung ano na ‘yung alam ko.”
Bunga nu’n, he and Sam Milby, from out of nowhere are being pitted against each other. Nauna na raw si Sam sa pinapangarap ni Echo to make it in Hollywood.
“I don’t see any reason para intrigahin kami sa bagay na ‘yan. Ako pa ang unang masasayahan if he’ll open doors para sa aming lahat in Hollywood. This is not a contest. Dapat suportahan natin ang isa’t isa.”
Kung papalarin man daw siya to make it to Hollywood at matupad ang kanyang American dream, definitely, he will not turn his back sa career niya sa ‘Pinas. Tamang scheduling lang daw ang katapat nu’n!
Echo also made it clear na hindi rin totoo ang mga balita pointing to him as one of the five actors na napipinto ng maglipat-bakod sa Kapatid Network. Masaya raw siya with the blessings ABS-CBN is giving him.
The Pillar
by Pilar Mateo