NAG-EMOTE SA amin si Tito Alfie Lorenzo ng magkita kami sa Zikoh Morato last Tuesday evening.
Napag-usapan namin ang show ni Ryan Agoncillo na katapat ng show ng alaga niyang si Judy Ann Santos na misis mismo ng kalaban sa oras at rating sa istasyon sa kanto na katabi ng MRT Kamuning Station.
“Noong una, ang sabi hindi 100% magkatapat, kaya okey lang daw. Kaya nga noong presscon ng show ni Ryan, sumugod ako. Ang mga “putah” ang say sa akin ng mga plastikada, ‘Tito Alfie, akala namin nagtatampo kayo sa amin’,” taas kilay kuwento ni Alfonga sa amin.
Sa dressing room, kinausap niya si Ryan. “Wala kasi silang pakialaman pagdating sa trabado. Kanya-kanya silang diskarte. Ang sa akin, mag-asawa sila. Maayos ang buhay mag-asawa nila. Ngayon dahil lang sa show, magpapagamit ka sa kanila na p’wedeng maging dahilan ng magiging gusot n’yo?” Analysis ni Tito Alfie.
Hindi maipagkakaila sa manager/ tatay-tatayan ni Juday na nagmamalasakit siya. « Ano ito, pati network war ng dalawang istasyon dala-dala nilang mag-asawa? Sabi ni Ryan, hindi raw sila maaapektuhan. Bahala na siya. Don’t tell me na hindi ko siya kinausap. Concern lang ako sa kanila mag-asawa,” kuwento ni Tito Alfie sa amin.
Sa halos tatlong TV Commercial ni Juday for the past six months, hindi pa raw nakakarating ang commission niya mula sa alaga.
Inisa-isa ni Tito Alfie ang mga TVC na ini-expect niya na may pera na ibibigay sa kanya si Juday, the fact na siya pa rin ang official business manager ng aktres-TV host kahit may isang “Jane” na siya raw ang nakikipag-deal nang direkta on behalf of Tito Alfie.
Paging Jane Something. ‘Yong komisyon ni Tito Alfie, pakihanda mo na.
FIRST TIME kong napanood ang full trailer ng My Little Bossings nina Vic Sotto, Ryzza Mae at Bimby sa Gateway while waiting for Call Center Girl na magsimula last Saturday evening.
Natawa ba ako? Waley. Pero hagalpakan ang tawanan sa loob ng sinehan sa trailer ng pelikula ni Vice Ganda na Boy, Girl, Bakla, Tomboy sa direksyon ni Wenn Deramas na isa sa walong pelikula sa MMFF 2013 na magsisimula sa Disyembre 25.
Ayaw kong magsinungaling. Alam ko na kung ano ang panonoorin ko ‘pag nagsimula ang MMFF.
Sa mahal ng ticket sa sine (P200 yata kapag MMFF) either ikain na lang ako ng Big Mac o ibili ng anim na kilong bigas o magluto ng pansit bihon para sa limang kataong pamilya para may handa sa Noche Buena at ayos na ‘yun.
Sayang kung half-baked lang ang tawa ko sa isang pelikulang comedy. Simple lang naman ang pamantayan ko ‘pag nanonood tulad ng makailang beses kong sabihin, isasagot kapag may nagtatanong at isusulat.
Basta comedy, matatawa ako. Kapag rom-com or love story ang pelikula makapag-emote ako at feeling in love. Kapag action movie, ‘yong mae-excite ako sa mga eksenang sabugan at stunts ng mga bidang artista. Kaya nga ‘yong Shoot to Kill Boy Golden ni Goiv. ER Ejercito at KC Concepcion (ganda rin ng trailer) panonoorin ko.
Simple lang ang pamantayan ko. Ordinaryong manonood lang ako ng sine na gusto lang maaliw.
Last Saturday, swak si Pokwang sa amin sa kagagahan niya sa Call Center Girl.
By the way, ‘yong Pagpag nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, dalawang beses akong nagulat sa kanilang trailer. Promise, panonoorin ko rin ang Pagpag.
NATAUHAN DAW the other day nang magising si Ser Chief sa Best Actor Award na ibinigay ng PMPC sa kanilang ika-27th Star Awards for Television last Sunday na ginawa sa AFP Theater.
Astig ni Ser Chief at tinalo niya sina Piolo Pascual at mga totoong aktor sa naturang kategorya. Hanep! Naka-tie pa niya si Coco Martin sa award ng aktingan. Wow na wow at ang galing-galing naman niya as an “aktor-aktoran”.
Natawa na lang ako at napaiiling. Nakaiinsulto naman sa sensibilidad ko ang award sa kanya. Nang-insulto pa si Ser Chief sa mga real actor ng industriya na ka-kumpitensya niya.
Merry Christmas, Ser Chief! Magka-caroling kami sa iyo, ha?!
Reyted K
By RK VillaCorta