ON TIME duma-ting si Judy Ann Santos sa presscon ng Lactum 3+ at 6+ na ginanap sa SM Megamall last Saturday. Napaka-pleasant ng dating ng young superstar nang humarap ito sa media. Kitang-kita sa kanyang aura ang pagiging panatag na ina. Hindi kaila kay Juday ang naging reaction ni Sharon Cuneta sa twitter nang intrigahin ang anak nitong si KC Concepcion. “Nanay ako, kung mangyayari sa akin ‘yan baka maging halimaw ako, baka higit pa,” reaction ng magaling na actress.
Na-experience din pala ni Judy Ann na minsan sa twitter (kahit wala siyang twitter account) may nag-comment na hindi maganda tungkol sa anak nila ni Ryan Agoncillo na si Lucho. “Sabi nga ng asawa ko sa akin, ‘Huwag ka nang magbasa ng comments’. Maiiwasan mo ba? Gusto mong pumatol, maiisip mo na lang. Itong mga ‘to, may masabi lang. Lahat naman yata ng bata, ‘pag bagong silang, mukhang magnifying glass, ‘di ba? ‘Pag bagong panganak ka, napaka-sensitive mo. Lahat ng bagay na puwedeng makasakit sa ‘yo, lalo na ‘pag anak mo ang tinira, masasaktan kang talaga. Pero at the same time, naisip ko, it’s not worth my time. It’s not worth my effort. Unang-una, hindi ko sila kilala and maybe, it made them feel good to say those words about my kids. At saka, masaya ang buhay ko. Bakit ako magpapaapekto sa kanila na hindi masaya ang buhay?” aniya.
Ikinuwento rin ni Juday na sa Singapore siya nag-celebrate ng kanyang 34th birthday with Ryan kasama sina Yohan at Lucho. Birthday gift ito ng asawa plus signature shoes na ayaw nang banggitin ng actress ang name brand. Sa nasabing trip, join ang mommy ni Ryan pati si Mommy Carol kaya lalong naging memorable ang bakasyon ng pamilya. Nagkataon pang Mother’s Day kaya 6 days silang namalagi sa Lion City.
Masayang ibinalita ni Juday na magsisimula na siya ng teleserye sa ABS-CBN with Sam Milby, Jessy Mendiola and KC Concepcion. Malamang daw June or September ang airing nito sa Kapamilya Network. “Gusto ko naman, hindi ko lang hinahanap ‘yung puyatan. Hindi ko lang hinahanap ‘yung schedule na araw-araw na halos hindi ka na makauwi at hindi ko na makita ‘yung mga anak mo,” sambit nito.
Sinabi ni Judy Ann na nangako ang ABS na it’s not gonna be as hectic as before na dalaga pa siya. Na-experience na kasi niya ‘yung ngaragan sa taping kaya’t nagpaabiso na siya sa management. At kung pupuwede nga raw sana ay aprub na ang istorya sa management at naka-can na ang show para hindi sila magre-shoot. “Sabi ko sa kanila, ‘wala naman akong arte, hindi ko na talaga kaya ‘yung puyatan’,” paliwanag ng actress.
Walang takot ding sinabi ni Juday sa management na ayaw na niyang may ka-loveteam sa teleseryeng kanyang gagawin sa Kapamilya Network pero excited na siyang mag-taping. “Actually, medyo kabado ako kasi may pressure na kasama, pero maganda ‘yung project. Hindi siya ‘yung typical na teleserye na may nawalang kapatid, nawalang nanay, may balat ‘yung anak, walang ganoon. Women empowerment siya, kaya maganda. Actually, nakaka-encourage siya sa mga nanay,” dugtong pa niya.
Hindi man aminin ni Judy Ann na siya ang napipisil na kapalit ni Ai-Ai delas Alas para sa movie na pagsasamahan uli nina Bong Revilla at Vic Sotto na pang-Metro Manila Film Festival, halata sa actress na nati-thrill siyang makatrabaho ang dalawang higante ng movie industry. Mismong ang comedy queen ang nagsabi kay Juday na kino-consider siya bilang kapalit nito. Wala pa raw down payment kaya hindi pa malinaw ang usapan. “Walang problema sa akin. Nakakaloka naman ako kung sasabihin kong pag-iisipan ko muna, ‘di ba ?”
Oo nga naman.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield