Basag pa rin pala ang tuhod ni Derek Ramsay!
“Hindi pa ako nakapagpapa-opera,” katuwiran niya. Mabuti na lang at nabanggit ni Judy Ann Santos ang bagay na ito sa presscon ng Habang May Buhay kaya’t nag-promise ang Universal Leading Man na itutuloy na talaga niya ang pagpapa-opera sa basag niyang tuhod na bunga ng paglalaro niya ng frisbee.
Kahit machong-macho ang dating ni Derek, takot din ito kahit paano sa ganu’ng klaseng operasyon dahil sa mararamdamang sakit kapag nawawala na ang bisa ng anesthesia.
Napag-usapan ang tuhod ni Derek nang tanungin si Juday kung ano ang masasabi niya sa tatlo niyang leading men (meaning Will Devaughn, Joem Bascon and Derek).
“Buti na lang at may buhok si Joem, kundi, baka sabihin kong lapitin ako ng mga kalbo,” biro niya. Pareho kasing kalbo sina Derek at Will.
Pangalawang beses nang magkasama sa isang teleserye sina Juday at Derek. Una, sa Ysabella na ginawa mga two years ago, at ito ngang Habang May Buhay na sinimulan right after matapos ang Ysabella. Siyempre, hindi makaliligtas si Juday na tanungin kung nakita ba niya ang potentials noon ni Derek bilang boyfriend o husband material?
“Unang-una, sila na ni Angelica (Panganiban) noon. Ako naman, may Ryan Agoncillo na. Hindi na gumagala ang paningin ko sa ibang lalaki, lalo na sa leading man ko. Isa pa, hindi siguro ako nakaka-appreciate ng muscles at abs. Okey na sa akin ang kaseksihan ni Ryan,” sabi niya sabay hagikhik.
Wala naman daw siyang reklamo sa attitude at performance ni Derek as an actor. “Intense siya as an actor. Magaling siyang mag-emote at focused siya sa trabaho. He’s very professional, kaya nahahawa sina Will at Joem. Kaya nga, naulit ang pagsasama namin at sa isang teleserye uli. Bagay raw kami, may chemistry,” dagdag-impormasyon niya.
Hindi na nagpapaapekto si Juday kapag tinatawag siyang Teleserye Queen. “Kahit si Claudine (Barretto), hindi na rin nagpapaapekto sakaling isinalin na sa akin ang title ng Kapamilya network. Nag-over da bakod kasi siya, kaya ibinigay na nila sa akin. Actually, ako rin. Apat (4) na beses yatang plinano ko ‘yun. Kasi nga, ang relasyon ng isang artista sa kanyang producers ay tulad din ng relasyon ng anak sa ina. Pero, maagap lagi ang ABS. Sila mismo ang nag-e-effort na ma-bridge ano mang miscommunication o misunderstanding mayroon kami. Naaayos agad ang problema, kaya’t nananatili ako rito.”
Aware din si Juday sa mga problema ng teleserye noon. “Kaya nga na-delay kami ng two long years,” paglilinaw niya. “Nakita nila ang loopholes ng project. Tinatalakay kasi nito ang buhay ng isang nurse, kaya napansin nila ang kakulangan ng concentration sa mga detalye ng trabaho ng isang nurse. Tulad ng pag-i-injection. Hindi basta-basta ituturok na lang ang injection sa pasyente. May tamang proseso ito. Kaya, nang mag-resume kami, may totoong nurse na lagi sa bawa’t taping day namin. Otherwise, mapupulaan kami. Doon ako bilib sa mga tao na nasa likod ng serye. Pinoprotektahan nila lahat ng kilos ko, lalo na ‘pag nagpe-perform ako bilang nurse. For this, I’m thankful to them.”
Inamin din niya na kung marami ang nasayang na negatibo sa unang arangkada ng Habang May Buhay, mayroon din namang na-save. At nakaganda iyon sa istorya dahil naipakita ang hitsura ko noon sa hitsura ko ngayon,” patuloy niya sabay-tawa.
Ibig bang sabihin ni Juday ay pansinin natin ang aura ng kanyang mukha at buong katawan noong mag-boyfriend pa lang sila ni Ryan at ngayong mag-asawa na sila?
BULL Chit!
by Chit Ramos