HINDI napigilan ni Judy Ann Santos na mag-react sa mga netizens na nagbubunyi sa pagsasara ng ABS-CBN nitong May 5, 2020.
Ang ABS-CBN ang largest TV network sa Pilipinas na merong iba’t ibang regional TV networks, FM at AM radio stations.
Post ni Juday sa kanyang Instagram account, “Nakakalungkot. Nakakapanghina. Nakakatulala. Dalawang bagay ang hindi ko inakalang mangyayari sa buong buhay ko: ang maranasan ang ECQ at magsara ang naging bahay at buhay ko mula 13 years old ako.
“Maraming natutulungan ang kumpanyang bumubuhay sa puso ng mga tao sa panahong ‘to sa pamamagitan ng mga programang pwedeng magpalibang at pansamantalang makalimutan ang mga problemang pinagdadaanan nating lahat.”
Kinuwestyon din ng aktres ang naging timing sa pagpapasa sa TV network.
“Bakit po? Bakit ngayon? Hindi po bang mas importanteng magtulungan tayo at magkaisa kahit pansamantala na muna habang may kinakaharap tayong mas malaking kaaway?
“Hindi po ba dapat sama sama nating ginagawa ang pwede nating maggawa para makapagsilbi sa mamayang Pilipino? Hindi ko naiintindihan…
“Kung may iilang tao ang nagbubunyi ngayon dahil nakuha at nagawa nilang maipasara ang ABS-CBN. Mas marami po kayong taong nasaktan at tinanggalan ng trabaho sa panahong lahat ng tao ay nag-aalala kung paano bubuhayin ang mga pamilya nila. Maaari po bang makahingi ng sapat na paliwanag?” lahad pa ng aktres.
Sinagot din ni Judy Ann ang sinabi ng netizen na “ABS-CBN should not be exempted from the law”.
Aniya, “Ngayon lang ako nagsalita. Madada na? Hindi ko sinasabing dapat EXEMPTED ang ABS-CBN. Ang sinasabi ko lang naman, may tamang timing sana. Hindi sa panahon na maraming tao ang naghihirap lalo ngayon sa epidemyang ito, na dapat mas pagtuunan ng pansin MUNA para makabalik tayong lahat sa mga normal nating buhay at makapaghanap ng trabaho ang mga taong mawawalan ng trabaho.
“Siguro, kung isa sa pamilya mo ay nagtatrabaho sa ABS-CBN, hindi ‘yan ang sasabihin mo.”
Patuloy niya, “Wag naman sanang sinabay sa ganitong sitwasyon. ‘Yun lang naman ang akin.”