HULA NG marami, babae ang magiging pangalawang anak ng mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo.
Ang ganda kasi ni Juday last Friday afternoon nang humarap siya sa isang pagtitipon ng media para i-launch ang kanyang kauna-unahang cook book na Judy Ann’s Kitchen na isinagawa sa Swatch + Swatch Center sa Aranaiz St. (dating Pasay Rd.) sa Makati City.
Gandang-ganda ako sa kanya in her forest green long dress na off-shoulder with only a light make-up.
Sa mga hindi pa nakakakalam, nag-aral ng culinary course ang aktres, bago pa man sila ikinasal ng mister niya, sa cooking school ng pamosong chef na si Gene Gonzales na president ng Center for Asian Culiary School, kung saan din nagtapos si Juday at maging ang aktres na si Janice de Belen.
Kuwento ni Juday sa press, ika-sampung linggo na ang kanyang pagbubuntis na bukod sa naisulat namin last week na ang masarap na “Spanish bread” na bini-bake ni Mommy Carol at kung anu-anong mga pagkain ng pinaglilihian niya, something na malutong ang isa rin sa mga nasa “buntis list” ng aktres.
Kung something malutong, ang press na present sa event ay nag-mention ng iba’t ibang mga pagkain na malulutong na malamang ay trip kainin ni Juday ngayon na super excited sa kanyang pagbubuntis. Nand’yan ang chicharon, manggang hilaw (masarap isawsaw sa ginisang bagoong), turon, lumpia shanghai, at kung anu-ano pa. P’wede rin ang balat ng lechon, or lechon kawali, or bagnet.
Pero sa edad niyang 37, aminado ang aktres na medyo hirap siya sa pagbubuntis niya ngayon kumpara noong buntis siya sa panganay na si Lucho almost four and a half years ago.
“Medyo naninibago ako ngayon. Sabi nga nila, each pregnancy is totally different. Ngayon, para sa akin, mas antukin lang ako. ‘Wag lang ako malingat, tulog ako. Medyo kagaya ngayon, salita ako nang salita, hiningal na ako. Nu’ng nakaraan naman, walang ganu’n. Kagaya ngayon, ang tagal kong nakaupo, masakit na ‘yung balakang ko,” kuwento niya.
Pakiwari niya, sa New Zealand nabuo ang pagbubuntis ng aktres ayon sa kuwento niya nang mabakasyon sila ng pamilya niya last April, nalaman lang niya at na-confirm last May.
Sa book launch, dumating si Ryan. Nang makausap namin si mister sa isang sulok ng napakalawak na event venue, excited siya sa pagbubuntis ni misis.
“So far, okey pa naman. Wala pa naman siyang mahirap na lambing. Sa ngayon, she still goes out to do her regular activities,” kuwento ni mister na enjoy na enjoy sa food na inihanda ni misis sa press na mostly ay included sa kanyang cookbook, na sa tulong ng kaibgan ni Juday na si Rica Peralejo-Bonifacio at ilang food writers, nabuo nila ang cookbook in the span of two years.
Pinatikim ni Juday sa amin ang mga putahe na nilagyan niya ng personal touch kung hindi man siya mismo ang nagbuo ng recipe.
Type naming ‘yong “Grilled Shrimps with Jicama Salsa”, “Watermelon and Feta Salsa with Balsamic Basil Dressing Salad”, “Thai Beef Lettuce Wraps”, at ang Juday’s version ng “Marinated Baby Back Ribs” na nagkaroon pa ng third serving dahil mabilis naubos. Ipinagmalaki ni mister ang “Steak Rice with French Beans” na personal recipe ni Juday na favorite ni Ryan.
Ayon sa chef na si Gene na sumulat ng foreword ng libro, “Knowing Judy Ann, this book is just one step to more delicious possibilities in the future. Her school and mentors take pride and joy in her joining the roster of culinary authors in our country.”
Ngayon, si Juday hindi lang isang ina, asawa, aktres, at chef, kundi isa nang certified cookbook author na.
By the way, ang Judy Ann’s Kitchen Cookbook ay available na sa lahat ng National Bookstores at published ito ng Anvil.
Reyted K
By RK VillaCorta