HINDI UMANO MATINAG-TINAG ang lumalawak na operasyon ng iligal na sugal o jueteng ng isang Alyas Luding sa lungsod ng Baguio at sa lalawigan ng Quezon.
Reklamo ito kahapon ng local leaders sa nasabing mga lugar bilang hamon na rin sa papaupong gobyerno ni Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na nangako noong nagdaang election campaign period ng malinis at matapat na pamahalaan para makaahon ang bansa sa matinding kahirapan.
“Kung walang korap walang mahirap, kaya kailangan ay linisin ng bagong administrasyon ang hanay ng pambansang kapulisan at local governments na siyang nagbibigay ng proteksiyon sa mga iligalista,” pahayag ng isang konsehal sa Baguio City na nagsasabing dapat din umanong papanagutin ang ilang matataas na opisyales sa regional PNP office na obyus umanong nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan sa operasyon ng jueteng ni Alyas Luding.
Maging ang mga organisasyong sibiko sa lalawigan ng Quezon ay nagsasabing pagod na sila sa karereklamo sa kapulisan at maging sa kanilang mga alkalde at gobernador tungkol sa hindi masawatang iligal na sugal ng nasabing gambling lord sa kanilang lugar.
Tinatayang umaabot sa 2 milyong piso ang arawang kubransa ng jueteng operations ni Alyas Luding sa lungsod ng Baguio at lalawigan ng Quezon at malaking bahagi umano nito ang ginagamit na pansuhol sa mga tiwaling PNP officers at local officials.
“Nakasalalay ang kredibilidad ng bagong gobyerno sa mga programa nitong gagawin laban sa krimen sa bansa at sa mga gawaing iligal na pinuprotektahan ng mga tiwaling opisyales ng gobyerno at kapulisan,” pahayag naman ng isang alkalde sa lalawigan ng Quezon na nakiusap sa Pinoy Parazzi na itago lang ang kanyang pagkakakilanlan.
Pinoy Parazzi News Service