DILGSA PORMAL NA pag-upo sa Kapangyarihan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa araw na ito kasama ang bago niyang gabinete, tanging si papaupong DILG Secretary Jess Robredo ang posibleng masusubok agad kung may kakayahan ba itong sawatain ang laganap na iligal na sugal sa buong bansa partikular sa Metro Manila at lalawigan ng Rizal.
Ito ang ipinahayag ng isang mataas na opisyal ng PNP sa Camp Crame kung saan mariin nitong binanggit ang “jueteng ng isang alyas Tony S. na diumano ay nakatimbre sa mga pulitiko maging sa mga hepe ng pulisya sa Quezon City, Caloocan City, Marikina City at iba pang lugar sa Northern part ng Metro Manila at lalawigan ng Rizal.
Ang nasabing jueteng ni Tony S. na tinatayang umaabot sa dalawang milyon ang kubransa araw-araw ay may basbas din umano sa isang mataas na opisyal ng PNP sa Camp Crame, dagdag pa ng source.
Idinagdag pa ng source na ang “tomboy” na anak umano ni Tony S. ang nagpapatakbo ng nasabing iligal na sugal at isang nagngangalang Dindo naman ang taga-ayos sa kapulisan.
Dahil sa lakas ng kuneksiyon umano ni Tony S. sa mga pulitiko at kapulisan, pinangangambahan na maging si papaupong DILG Secretary Jess Robredo ay posibleng magbubulag-bulagan na rin dito.
Matatandaang si Robredo noong alkalde pa ng Naga City ay tumanggap ng iba’t ibang parangal dahil sa husay sa pamamahala kung saan naiangat nito nang husto ang ekonomiya ng kanyang lugar.
Gayunman, hindi umano kasama sa maganda nitong record ang lubusang pagpapatigil sa iligal na sugal.
Ito ang dahilan kung bakit ang nasabing mataas na opisyal sa Camp Crame na tumangging magpabanggit ng pangalan ay nangangamba kung may kakayahan nga ba si Robredo na sugpuin ang iligal na sugal partikular ang “jueteng operation” ni Tony S.
Pinoy Parazzi News Service