NABABABAWAN KAMI sa argumentong “to avoid confusion,” kaya pinatatanggal ni Julia Barretto ang apelyido ng kanyang amang si Dennis sa kanyang mga legal documents, kaya nag-file sila ng petition sa korte.
At take note, sinisisi pa ng kampo ni Julia si Dennis na kung hindi naman nagsalita si Dennis, hindi naman malalaman ng publiko na pinepetisyon nilang mawala sa pangalan ni Julia ang “Baldivia” at kikilalanin na lamang siyang “Julia Barretto” na siya naman niyang screen name.
Isa pang kababawan ay si Dennis nga raw ay hindi naman “Dennis Baldivia” ang ginagamit, kundi “Padilla,” kaya to avoid confusion daw ay naaayon naman sa batas ang pagbubura nila sa “Baldivia”.
Attorney naman, matalino naman kayong tao, ba’t pang-pilosopo tasyo po ang inyong pagpapaliwanag? O, sige na nga, for the sake of argument, hindi nga ginawang screen name ni Dennis ang tunay nitong apelyido, o eh, bakit sa mga legal documents, hindi naman naging source of confusion ang “Padilla”?
“To avoid confusion” ba kamo? Ikaw ang sumagot, Atty. Kapunan. Wala namang magiging confusion, kung hindi “to avoid confusion” ang nirarason ninyo.
Malinaw na malinaw sa aking opinyon na ang kampo po ninyo ang “confused” at hindi si Dennis.
KAHIT KELAN ay hindi naman siguro “na-confuse” si Dennis kung “Julia Barretto” at hindi “Julia Baldivia” ang ginamit nitong screen name ng panganay niyang anak kay Marjorie, dahil naiintindihan ni Dennis na may impact dapat ang gagamiting pangalan ng sinumang baguhang mag-aartista. ‘Yung magkakaroon ng recall as in matatandaan agad ng mga tao.
Dahil kahit kami pa siguro ang maging manager ni Julia, “Barretto” talaga ang ipagagamit namin sa kanya dahil ang mga tita niya bukod sa nanay niya ay kilala na sa “Barretto” at mukha naman talaga ng isang Barretto ang itsura ni Julia.
Pero para palitan mo sa legal documents mo ang pangalan mo na in the first place, nilakad pa ‘yan noon ng nanay at tatay mo kahit pa sabihing walang bisa ang kanilang kasal, eh, hello! In-acknowledge naman ni Dennis at pirmado siya sa likod ng birth certificate nito, ano ang “confusing” doon?
Juice ko naman! ‘Yung iba nga, “semilya” lang ang nai-contribute ng tatay para maging tao sila, pero ginagamit pa rin ang apelyido ng tatay, ikaw pa kaya na alam mong hindi naman naging masama ang tatay mo sa ‘yo ang gagawan mo ng ganyan?
‘Wag naman, anak. Ikaw pa rin naman ang nagsabi na isang mabuting ama si Dennis sa ‘yo at nirerespeto mo siya, eh bigyan mo rin ‘yon ng kahulugan sa iyong ginagawa ngayon.
Bina-bash ka ng mga netizens na ang karamihan diyan ay mahal na mahal ang kanilang ama (despite the fact na ‘yung iba’y may ama pang napakairesponsable) kaya ito ay resulta lamang ng mga actions n’yo ng Mommy Marjorie mo.
ANG PINAKAMASAKLAP na punto ng karamihan sa bashers ay bakit si Gretchen Barretto na hindi naman kasal kay Tonyboy Cojuangco ay “Cojuangco” ang gamit ng anak nilang si Dominique?
Kaya ‘yung iba ay nag-iisip (and I’m sure, kahit kayo, nabasa n’yo ito sa mga comments) na porke ba hindi “Cojuangco” o “Zobel” o “Ayala” si Dennis ay dapat lang na tanggalin sa pangalan ni Julia ang “Baldivia”?
Masakit ang ganitong paratang kung tutuusin, pero sabi nga namin, ito ay resulta lamang ng ipinamamarali ng kampo ni Julia na “to avoid confusion”.
‘WAG NATING masyadong gawing dahilan na null and void ang kasal nina Marjorie at Dennis dahil kasal pa ito sa unang asawa, kaya gusto lang nilang maging legal ang pagkatao ni Julia Barretto.
‘Wag, please. Kasi, baka me madamay na namang ibang taong nananahimik.
Lalong makakawawa si Julia.
Kaya please, ‘wag nang gawing dahilan ang pagkakaroon ni Dennis ng unang asawa.
Oh My G!
by Ogie Diaz