SAMU’T SARING reaksyon ang tinatanggap namin sa planong pagpapapalit ng apelyido ni Julia Barretto mula sa pagiging Baldivia at maging isa nang legal na Barretto. Marami kaming natatanggap na nagsasabing walang utang na loob, walang pagpapahalaga sa ama at kung anu-ano pang masasakit na salita na patungkol sa batang aktres.
Nakausap namin si Dennis Padilla sa kasagsagan ng promo nu’n ng pelikulang Rakenrol kung saan tinanong namin kung ano ang reaksyon niya na Barretto ang ginagamit na screen name ni Julia at hindi Padilla, ipinaliwanag naman sa amin ng komedyante na screen name lang din niya ang Padilla mula sa screen name ng amang si Dencio Padilla at ‘di ito malaking isyu sa kanya dahil Baldivia pa rin naman si Julia.
Sa interview kay Dennis sa Startalk, nilabas ni Dennis ang sama ng loob niya sa nangyayari at sinabi nito na nu’ng una ay hindi niya pinaniwalaan ang balita. Pero nakumpirma niya ito nang may magsabi sa kanya na taga-Quezon City Hall na nag-file nga si Julia para magpabago ng pangalan.
Nu’ng una, gusto na lang bale-walain ni Dennis ang desisyon ng anak at hayaan na lang ito. Pero marami sa mga kaibigan niya ang nagpayo sa kanya na dapat ipaglaban niya ang kanyang karapatan bilang ama ni Julia. Para kay Dennis, tatanggapin niya kung saka-sakaling matalo siya sa kaso, pero habang-buhay itong magbibigay ng sakit ng loob sa kanya.
‘Di naman itinago na hindi siya nakapagbigay ng sustento sa tatlong anak kay Marjorie Barretto dahil hindi stable ang kanyang showbiz career at hindi rin naman pinalad sa pulitika, pero walang maalala si Dennis na may ginawa siyang masama sa mga anak para umabot ito sa pagpapalit ng apelyido niya. Ayon kay Dennis, hindi nagbabago ang pagmamahal niya para kay Julia sa kabila ng mga nangyayari sa ngayon.
Sana lang, pinag-isipan muna ng kampo nina Marjorie ang naging desisyong ito, Sa kultura kasi ng Pilipino, napakalaking isyu para sa atin ang relasyon natin sa ating mga magulang. Malaking parte ng isang artista ang imahe niya sa publiko sa ikasisikat at ikakabagsak ng kanyang career. Sana hangga’t ‘di pa huli ang lahat ay maresolba na agad ang isyung ito na pinaniniwalaan naming si Julia sa lahat ang maapektuhan at magdadala.
Nagbigay-paliwanag na ang kampo ni Julia tungkol dito, pero mas gusto namin na marinig na si Julia mismo ang nagsasalita tungkol sa isyu.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA