Dalawang babae – sina Diva Montealba at Sarah Lobati, at tatlong lalake – Steven Silva, Enzo Pineda, at Rocco Nacino, ang final five na magku-compete sa nalalapit na finals ng Starstruck 5. Siyempre pa, kanya-kanya ng bet kung sino ang tatanghaling male and female ultimate survivor.
Sa tingin namin sa dalawang girls, baka si Diva Montelaba ang manalo. Hindi siya kagandahan kung tutuusin pero kapag nabihisan at naayusan, nag-iiba ang hitsura. Nagkakaroon ng malakas na dating at matinding sex appeal. Plus the fact na medyo na-win niya ang sympathy ng publiko dahil sa lagi niyang sinasabing gusto niyang manalo at maging big star para maingat ang antas ng pamumuhay ng kanyang pamilya.
Sa boys naman, we feel it’s a toss between Rocco and Enzo lang. Sila talaga ang from the start pa lang ay marami na ang kinikilig. At sila rin ang laging napagkukumpara.
Kung sa mukha, mas guwapo itong si Enzo. Pero mas may height naman at maganda ang katawan nitong si Rocco. At mas may potensiyal kung pagiging hunk at aktor ang pag-uusapan.
Nagkakaroon nga ng intriga habang palapit ang finals. Kasi si Enzot bilang anak ng bigtime na manager ni Manny Pacquiao, sinasabing malaki ang posibilidad na siya na ang mananalo kasi kayang gumastos maski magkano ng kanyang pamilya sa text votes para maipanalo siya.
Natanong nga namin si Enzo about this. Sabi niya, hindi niya gugustuhin o kahit ng kanyang pamilya na magtapon ng malaking pera para makakuha ng malaking bilang ng text votes. Nag-audition daw siya at umabot sa final 5 na ang pinanghahawakan ay ang paniniwalang may talent siya na siyang puwedeng magpapanalo sa kanya. Gusto niyang ipaubaya na lang daw ang lahat sa kanyang mga tagasuporta at sa judgment ng publiko.
So far, masaya na raw si Enzo na sa moral support ng kanyang family. Lalo ng kanyang ama na mas piniling dumito na lang sa Pilipinas kesa sumunod kay Pacman sa Amerika para sa nalalapit na laban nito.
Si Rocco naman, kahit may kaya rin ang pamilya, hindi rin kumporme na hikayatin ang lahat ng kanyang kamag-anakan na gumastos nang husto sa text votes para sa kanya. Sabi nga raw ng mom niya, kung halimbawa, gagastos daw sila ng hundred thousand para iboto siya sa text, eh, ‘di mas mabuting ipambili na lang daw ng laptop para sa kanya o iba pang mas mahalagang pagkakagastusan.
Pareho sina Enzo at Rocco sa paniniwalang mas masarap manalo dahil ibinoto ka ng nakararami kesa sa ikaw mismo ang bumili ng boto para sa ‘yo.
Oo nga. Pero parang very 2010 elections ang dating, huh!
‘Yon na!
NAKATUTUWA NAMAN ANG success story ng dating boldstar na si Julia Lopez na inilabas ng Showbiz Central last Sunday. Hindi namin akalaing gano’n na pala siya ka-bigtime ngayon.
Meron siyang 15 hectares na farm sa Cebu. Mangga ang pangunahing produkto nito pero may mga tanim ding niyog. Saging, mani, pakwan, at kung anu-ano pang ibang mga prutas. Sa tulong ng kanyang ate, at iba pang mga kamag-anakan, ito na bale ang tinututukang business ngayon ni Julia na siyang dahilan ng mabilis na pag-asenso niya.
Nakagugulat ang pagiging instant milyonarya talaga niya. Parang kailan lang, she was just a struggling sexy star. Nawala sa sirkulasyon at nang muling lumitaw, milyonarya na.
Buhay donya na nga raw itong si Julia ngayon na pa-travel-travel na lang sa Singapore, Thailand, and Europe. Halos buong mundo raw, nalibot na nga niya. Ito raw ang bale reward niya sa kanyang sarili sa lahat ng pagsisikap niya.
Marami rin siyang sasakyan. Meron siyang F 150, Ford Expedition, Mercedez Benz, at ‘yong latest model ngayon ng Mitsubishi Lancer. May condo rin siya rito sa Manila. At meron pang isang house na ipinagagawa na malapit na umanong matapos. Nagpagawa rin siya sa kanilang lugar sa Cebu ng isang chapel na more than one million daw ang inabot ng construction.
Ang nasa likod kaya ng tagumpay na ito ni Julia ‘yong sabi’y milyonaryong businessman na naging karelasyon niya’t siyang naging daan para mahango siya sa kahirapan?
‘Yan ang ipapasagot namin sa kanya kapag na-interview na namin siya.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan