KAKAIBANG CHARACTER ang gagampanan nina Gerald Anderson, JC De Vera, at Julia Montes sa pelikulang Halik Sa Hangin na dinirek ni Manny Palo under Star Cinema. Pinaka-daring ang role na gagampanan nila – better, braver at bolder. Ibang level ng seduction, passsion, at osession ang handog ng movie. Masasabing silang tatlo ang pinakatalentado at accomplished na mga batang aktor ng ABS-CBN.
Si Gio (Gerald), lumaki sa Baguio, isang musikero na mag-uudyok kay Mia (Julia) upang maging mas mapangahas sa pagharap sa kanyang mga kinatatakutan sa buhay. “‘Yung role ko, very challenging, it’s not what you see or what you get,” say ni Gerald.
Si Alvin (JC), isang mature at responsableng lalaki na mang-eengganyo kay Mia na maging bukas at passionate sa pagtanggap sa mga pagbabago sa kanyang buhay. “’Yung character ko naman, may security, brave and through action not in words.”
Nu’ng nag-start palang silang mag-shooting ni Julia sa Baguio, medyo nagkakahiyaan pa sila. “Nag-adjust muna ako, nagkakapaan pa kami ni Julia sa set dahil nahihiya ako sa kanya. Nu’ng katagalan okay na kami, nakapag-uusap na kami. Komportable na ako sa kanya at ganu’n din siya sa akin. Kailangan talagang magkaroon kayo ng chance na makapag-bonding para lalong maging relax at maging makatotohanan’yung character na pino-portray namin sa pelikula,” sabi ni JC.
Buong pagmamalaking ibinida ni Direk Manny kung gaano kagaling at professional si Julia as an actress. “Sa simula pa lamang, makikita mo na kay Julia ‘yung passion niya sa craft niya. ‘Yung acting performance nila behind my expectations. Ang gagaling nilang tatlo, lalo na ‘yung mga dramatic scene, kinikilabutan ako, naaapektuhan ako. Dapat mabigyan sila ng recognition sa effort at hardwork na ibinigay nila sa pelikulang ito.”
Maging si Ina Raymundo ay puring-puri rin ang young actress. “She did a great job, pinahanga niya ako. Sana huwag lang siyang magbago at lumaki ang ulo. She’s so perfect for the role, magaling siya.”
Bilib si JC sa acting power ni Julia. Hindi raw ito napapagod umiyak at mabilis bumagsak ang luha. “Nakita namin kung gaano siya ka-passionate sa trabaho. Ilang beses siyang umiyak sa scene namin. Blooming pa rin, naka-smile parang wala lang. Wala kang maririnig na reklamo kahit may mahihirap na eksena, fight pa rin siya every take.”
Para kay Enrico Santos (writer ng pelikula), young version si Julia Montes ni Bea Alonzo. Nakita niya sa young actress ang potential na maging young dramatic princess. Matinding workshop ang pinagdaanan nina Julia, JC, at Gerald bago nila sinimulan ang-shooting sa Baguio City. Makikita mo ang chemistry nilang tatlo on the screen. Pinili namin silang tatlo for the character, ‘yung capacity nila sa acting. Maraming delicious moment sina Julia at Gerald. Ang Halik Sa Hangin ay hindi pang-loveteam.”
Sa kauna-unahang pagkakataon, magpapaka-daring si Julia sa dahil hinihingi sa eksena. Walang arteng ginawa nito ang mapahangas na eksena nila ni Gerald. Ang love scene nila ng actor ang pinakamahirap na eksenang ginawa niya. “Ibang Julia ang makikita ninyo sa pelikula namin nina Gerald at JC. Intense, passionate ‘yung love scene namin ni Gerald. Napaka-gentleman niya, inalalayan niya ako kaya nagawa namin nang tama ‘yung hinihingi ni Direk,” tsika ni Julia.
“She really did her best sa mga maseselan naming eksena,” sambit naman ni Gerald.
Naging topic din ang first kiss dahil may konek sa title ng pelikula. Para kay Gerald ang pinakamasarap na halik ay galing sa Nanay niya. Siyempre, umiiwas ang binatang mapag-usapan ang mga ex-girlfriend niyang sina Kim Chiu at Bea Alonzo, at ang present dyowa na si Maja Salvador kung sino sa kanila ang pinakamasarap humalik. Sino nga kaya sa tatlong actress ang the best kisser?
Kay JC, good night kiss, kontento na siya. Iba naman ang pananaw ni Julia tingkol dito. Palibhasa hindi pa nakae-experience ng first kiss si Julia, kaya napaka-special sa kanya ang unang halik. Ibibigay lang niya ito sa lalaking mahal niya. “Sa totoong mahal mo ‘yung first kiss. Kapag nagmahal tayo, ibibigay mo ang lahat sa taong mahal mo. May part sa movie na nakare-relate ako, natuto ako.”
Ayon kay Gerald, gusto niya, iba’t ibang character ang kanyang ginagampanan. ‘Yung may challenge at nae-enhance ‘yung craft niya as an actor. “Sobrang ganda ng script kaya pumayag ako, napakapulido. Enjoy ako sa role ko, napaka-intense, demanding ‘yung character ko. Dami kong natutunan at ibinigay ko ang best ko rito. Everyday, gusto mong mag-improve as an actor. Kailangang continuous para ‘yung desire mo, palaging nandu’n.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield