BUKAS NA ang seleb-rasyon ng 17th anniversary ng Startalk at so far, ilan sa alam kong istoryang gagawin namin ay siyempre ang pagkikita nina Joey de Leon at Willie Revillame sa programa namin nu’ng nakaraang Sabado.
Mapapanood ang panayam na magkasama sila at kung ano ang nararamdaman nila sa isa’t isa.
Bukod pa riyan ay ang update namin sa kalagayan ni Alyssa Alano pagkatapos niyang maaksidente nu’ng nakaraang Linggo.
Ang alam ko, nakatakda na siyang operahan pero nu’ng dinalaw ko siya sa hospital, nakita ko ‘yung dalawang sugat niya sa tagiliran na natusok ng bakal, ang laki parang halos kasya ang tatlong daliri mo.
Kaya gusto nga ni Dra. Vicki Belo na sila ang magtatahi ng sugat nito sabay ayos na hindi magkaroon ng peklat.
Kaya nagpasalamat na si Alyssa kay Dra. Belo na laging nandiyan tumutulong sa kanya.
Special guest din namin si Lorna Tolentino, kung saan bibigyan ito ng bonggang welcome sa pagbabalik niya sa GMA 7.
Doon na ikukuwento ni Lorna kung anong drama series ang gagawin niya sa GMA 7 pagkatapos ma-shelve ang Haram na pagsasamahan sana nila nina Dingdong Dantes at Kylie Padilla.
Masisilip na rin sa Startalk ang bagong bahay ni Pauleen Luna na matagal na niyang pinag-ipunan sa tulong na rin ng mga magulang niya.
Sa kuwarto niya ay roon may makikita kung gaano kahalaga sa kanya ang bigay ng taong nagbibigay ng inspirasyon sa kanya. Mula kay Bossing Vic nga ba ito? Isa ‘yan sa aabangan n’yo!
May mga bago kayong mapapanood sa aming bale selebrasyon na rin sa pagpasok ng Startalk sa ika-18 year nito.
Bongga, ‘di ba? Mag-i-18 na kami at ito na nga ang masasabing longest running-talk show sa Philippine television.
MAY ILANG tumataas ang kilay kay Julie Anne San Jose nang nagpahayag itong balak niyang mag-audition sa Miss Saigon.
Magkakaroon kasi ng audition dito at maraming mga batang singer natin ang nagpahayag ng interes na sumali. Isa na rito si Julie Anne dahil wala naman talagang kuwestiyon sa galing niya sa pagkanta at kaya niya ito, in fairness naman sa kanya.
Pero hindi naman lahat na magagaling ay puwedeng piliing gumanap na Kim sa sikat at longest-running na musical play na ito.
May ilang tumataas ang kilay na hindi raw ito kakayanin ni Julie Anne dahil hindi naman daw oriental ang itsura niya.
Mukha naman daw siyang bumbay kaya hindi raw puwedeng gumanap na bida sa Miss Saigon.
Sabi naman ni Julie Anne, gumanap na raw siyang Kim sa school play nila, pero hindi naman daw ‘yung bonggang-bonggang musical play na Miss Saigon. Kaya malay natin.
Gusto lang daw sana niyang ma-experience ang Broadway, kaya baka nga suwertehin naman siya.
Pero pinag-iisipan pa ng young singer kung susubukan niyang mag-audition dahil marami naman daw siyang trabaho rito.
Kung sakaling siya ang mapili, paano ang career niya rito maiiwanan niya?
Maganda naman ang takbo ng career niya na masasakripisyo kung siya nga ang mapili.
Sa totoo lang, hindi naman kailangan na ‘yan ni Julie Anne, pero siyempre malaking bagay rin kung sakaling siya nga ang mapili.
Hindi pa naman daw siya nag-confirm na mag-o-audition siya, dahil pinag-iisipan pa naman niya.
Kamakailan lang pala ay pumirma na si Julie Anne ng contract bilang bagong endorser ng apparel na Get Laud.
Bagay raw sa kanya ang mga designs ng mga damit doon, kaya panibagong achievement na naman ito sa kanya.
At least, ang dami na niyang datung na balak nga raw niyang magpatayo na ng bahay.
‘Yun na!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis