HINDI NA RIN mapapanood sa Kapamilya channel ang broadcast journalist na si Julius Babao. Nagpaalam na si Julius sa network noong December 31, 2021.
Halos tatlong dekada ring o 28 years to be exact na naging Kapamilya si Julius bago siya nagdesisyong lisanin ang kumpanya na dalawang taon na rin walang prangkisa.
Ayon sa new anchor, hindi isang pamamaalam ang pag-alis niya sa ABS-CBN.
“Hindi po ito pagpapaalam kung hindi isang pahayag ng pasasalamat sa lahat ng aking mga naging Kapamilya sa loob ng 28 taon.
“Dito na po ako lumaki sa ABS-CBN — kung inyong mapapansin, napakapayat ko pa noon. Nagkaroon ng magandang karera, nakilala ang aking magandang asawa at nagkaroon ng pagkakataon na makatulong sa maraming mamamayan,” lahad niya.
Nagpasalamat din si Julius sa mga naging boss niya sa ABS-CBN at TV Patrol.
“Hindi ko na masyadong iisa-isahin mga Kapamilya, sasabihin ko na lang po, dito sa ABS-CBN natupad ang mga pangarap ko sa buhay.
“Nagpapasalamat po ako ng lubos sa mga naging boss ng ABS-CBN, unang-una na kay Mr. Gabby Lopez. Sir, thank you. Mr. Freddie Garcia, Ma’am Charo Santos-Concio, at kay Mr. Rolly V. Cruz.
“Maraming salamat din po kina Mr. Mark Lopez, Mr. Carlo Katigbak, at Tita Cory Vidanes. Salamat sa taong unang tumanggap sa akin dito sa ABS-CBN, si Mr. Boo Chanco at si Mr. Rolly Reyes. At sa aking mga naging ama sa industriya, Jake Maderazo at kabayan Noli de Castro at kay Tita Arlyn de Castro, maraming, maraming salamat po.
“At sa aming boss sa ABS-CBN News and Current Affairs, Miss Ging Reyes, maraming salamat, Ging, sa 28 years nating pagsasama sa trabahong ito at pag-unawa sa dahilan ng aking paglisan. At higit sa lahat, thank you po sa lahat ng empleyado ng ABS-CBN, mga dating empleyado ng ABS-CBN, mga Kapamilya, sa mga viewers na nakasama ko sa aking paglaki sa harap ng telebisyon at radyo.
“Hindi ko po mararating ang kinatatayuan ko ngayon kung hindi po dahil sa inyo kaya maraming, maraming salamat po sa inyong lahat. Hangad ko mga Kapamilya ang pagbabalik ng ABS-CBN sa free television at sa radio sa darating na panahon,” pahayag ni Julius.
Sa huling balita, posibleng palitan ni Julius si Raffy Tulfo na kumakandidato sa pagka-senador bilang anchor ng news program ng TV5 na Frontline Pilipinas.