KINUMPIRMA NI EXECUTIVE Secretary Leandro Mendoza na kanyang inirekomenda kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na gawing holiday sa buong Pilipinas ang Hunyo 30, 2010 araw ng Miyerkules.
Ito kasi ang nakatakdang inagurasyon nina President-elect Senador Benigno “Noynoy” Aquino III at Vice-President-elect Makit Mayor Jejomar Binay.
Ayon kay Mendoza, nararapat lamang na bigyang-halaga ang pag-upo ng bagong lider ng Pilipinas at makita rin ng sambayanang Pilipino ang bagong presidente.
Wala pa namang sagot umano ang Pangulong Arroyo at hinihintay pa ang pag-apruba ng Chief Executive sa naturang rekomendasyon.
Matatandaang nagsagawa ng ocular inspection ang transition teams ng Arroyo administration at ng papasok na Aquino government. Ayon kay Presidential Management Staff head Elena Bautista-Horn, unang tinungo ng team ang Quezon City Memorial Circle na siyang magiging sentro ng selebrasyon at sunod na pinuntahan ang Quirino Grandstand sa Rizal Park kung saan doon manunumpa si Aquino.
Nagtungo rin ang Aquino transition team sa Malacañang upang magsagawa ng tour at sa magiging venue ng cabinet meetings at inauguration reception.
Na-turn over na rin sa team ni Noynoy ang blueprint ng transition team ng Arroyo government at consolidated reports.
Naibigay na rin umano ang dalawang boxes ng listahan ng mga bakanteng posisyon sa executive level na umaabot sa 4,301 at mahigit sa 50,000 na bakante sa rank and file.
Ni Cynthia Virtudazo
Pinoy Parazzi News Service