ANO NA po ang nangyari sa kaso ni Mary Ann Paoig? Balita ko po sentensiyado na po ang mga employer niya sa Israel na nang-abuso sa kanya?—Leslie mula sa Beirut, Lebanon
TOTOO ANG balita mo na ang employer ni Mary Ann Paoig ay nasentensiyahan na sa ilalim ng Anti-Slavery Law ng Israel. Ang kaso niya ang kauna-unahang kaso sa ilalim ng batas na ito kaya’t masasabing makasaysayan ang naging desisyon ng husgado ng Israel.
Si Paoig ay nagsimulang magtrabaho sa Israel noong 2007. Mula noon, kinumpiska ang kanyang passport, pinasuweldo siya ng $150 gayong ang minimum wage doon ay NIS 4,100, ‘di siya pinayagang makalabas ng bahay, wala siyang day off at pinagbintangan pa siyang magnanakaw. Dahil dito, siya ay nagsampa ng kaso sa ilalim ng Anti-Slavery Law at nanalo naman siya sa kaso.
Pero ‘eto ang masakit: Ang sentensiyang iginawad sa kanyang employer ay napakagaan—apat na buwan ng community service at multang NIS 2,000. Ano ba ‘yan?! Sa ilalim ng batas nila, ang ganitong kaso ay dapat parusahan ng apat hanggang 16 na taong pagkabilanggo. Tatawanan lang ng employer ang apat na buwang community service!
Matatandaan na noong 2010, isang lalaki ang nasentensiyahan ng tatlong taong pagkabilanggo nang hagisan niya ng sapatos ang isang Israeli judge. Talagang kahit saan naroon ang ating mga OFW ay naroon din ang kawalan ng katarungan—mapa-Israel man sila o mapa-Amerika.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo