“NANININDIGAN PA rin po tayo sa ipinangako nating pagbabago sa edukasyon: ang gawin itong sentral na estratehiya sa pamumuhunan sa pinakamahalaga nating yaman: ang mamamayang Pilipino. Sa K to 12, tiwala tayong mabibigyang-lakas si Juan dela Cruz upang mapaunlad — hindi lamang ang kanyang sarili at pamilya, kundi maging ang buong bansa.” – mga salita ni Pangulong Benigno S. Aquino III.
Kahapon lamang, ipinagdiwang natin ang Araw ng mga Ina, aba, matapos ang isang araw, kakaharapin na nila ang panibago at karagdagang responsibilidad kasama ng kanilang mga katuwang sa buhay, ang kanilang mga asawa, ang tinutukoy ko nga ay ang K to 12 program na ipatutupad na sa ating bansa.
Ano nga ba ang K to 12? Ito ay repormasyon sa sistema ng edukasyon sa bansa. Sakop ng nasabing program ang Kindergarten at 12 taon ng basic education: anim na taon sa primary education, apat na taon sa Junior High School, at dalawang taon sa Senior High School. Ang nasabing reporma ay para magkaroon ng sapat na panahon at oras sa pagmasterya ng mga konsepto, ma-develop ang lifelong learner, at maihanda ang mga graduates ng Senior High School sa kanilang pagpasok sa kolehiyo, mahasa ang kanilang middle-level skills, pagpasok sa trabaho at pagtatayo ng sariling negosyo.
Bawat bata ngayon ay magkakaroon na ng tulay sa early childhood education sa pamamagitan ng Universal Kindergarten. Sa edad na lima, sila ay magsisimula nang mag-aral at unti-unti nang inihahanda sa formal education. Dati-rati, may mga bata na basta-basta na lang tumatalon sa Grade 1 na gustong solusyonan ng ating Department of Education. Ayon sa kanilang research, ang mga bata na dumaan sa Kindergarten education ay may mas magandang grado kaysa sa mga bata na hindi nag-Kindergarten. Karagdagan pa, ang mga batang may Kindergarten experience ay madaling naihahanda para sa primay formal education. Ang edad na 0 hanggang 6 kasi ay napakamaselan sa pormasyon ng utak ng isang tao. Sa mga panahon kasi na ito nag-e-expand ang utak ng isang bata patungo sa 60 hanggang 70 porsyento na sukat ng utak ng isang adult individual. Sa Kindergarten, ang mga mag-aaral ay tinuturuan ng alphabet, numbers, shapes, colors, songs, at dances sa kanilang Mother Tongue.
Sa elementarya naman, kanilang isinusulong ang spiral progression, kung saan itinuturo ang mga subjects mula sa pinakasimpleng konsepto hanggang sa pinakakomplikado. Sa elementarya, matututunan na ng mga bagets ang Biology, Geometry, Earth Science, Chemistry, at Algebra.
Sa Senior High School naman, ang karagdagang dalawang taon na ito ay two years of specialized upper secondary education, kung saan papipiliin na ang estudyante ng kanilang specialization base sa kanilang aptitude, interests, at school capacity.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo