KALUSUGAN ANG paksa natin ngayon. Biktima ako ng malubhang kabag. O sa wikang Ingles, “flatulence” o “air swallowing”. Resulta ay laging mahapdi ang tiyan dahil sa sobrang acid at umiikot na hangin at lamig sa tiyan at ‘pag minsan buong katawan. Madalas din ang paglabas ng tinatawag na utot bago mag-defecate. Very painful.
Ayon sa mga doktor, oversecretion daw ito ng gas o acid. Nakukuha ‘pag ninenerbyos, under-stress, at pagpapalipas ng gutom. Lumubha ang aking kabag pagkatapos ng operasyon ko sa gallbladder noong nakaraang taon. Wala nang panunaw kaya mahina na ang digestive system. Pinalubha pa ito ng sakit kong diabetes.
Hiyang-hiya na ako sa aking maybahay dahil sa maya’t maya kong daing. Sabi niya, naintindihan niya, kaya okay lang.
Bakit ko paksa ito? Sapagkat ang kabag ang karaniwang karamdaman ng mamamahayag. Dahil sa pressure ng deadline, malimit magpalipas ng gutom. At always subjected to tension and stress.
Maraming modern medicines ang available ngunit sila’y reliever o palliatives lang. Pabalik-balik ang kabag. ‘Pag napabayaan ang sakit ay maaaring pumunta sa peptic ulcer. Delikado ito lalo na kung bleeding ulcer. Sa mga laging nagmamadaling mamamahayag, mahalaga laging may laman ang tiyan lalo na sa umaga. Magdala ng biscuit, saging o nilagang itlog pantawid-gutom. Iwasan ang stress at tension.
Kahapon, sumangguni ako sa bagong doktor. Wala siyang nireseta. Kasama ‘yan sa diabetes at pagtanda. Payo niya: Just live with it.
SAMUT-SAMOT
TILA WALANG dramatic action sa lahat ng frontlines ng pamahalaan. Ano na balita sa agrikultura, edukasyon, environment, at foreign affairs? Tameme ang mga gabinete. Dapat ‘di lamang si Spokesman Edwin Lacierda ang buka ng bibig. Bawat departamento magpahayag ng kanilang achievements o suliranin. As things are, halos ang balita ng aksyon ay galing Malacañang. ‘Di tuloy makita ng mamamayan ang bigger picture ng administrasyon. Dapat bawasan ang sobrang non-working holidays sa kalendaryo. Konting kibot, holiday. Tayo lamang yata ang pinakamaraming non-working holidays sa buong mundo. Kaya ganito kahirap at non-productive. Isipin.
FIFTY PER cent ng daily official schedule ng Pangulo ay lubog sa mga social activities. Ribbon-cutting dito, inspirational speeches doon at courtesy calls ng mga local o foreign officials. Natirang 50%, nagugugol sa cabinet meeting, one-on-one with cabinet officials or foreign dignitaries at makapal na paperworks. Samakatuwid, wala nang panahon ang Pangulo sa malalim at masusing pag-aaral ng mga desisyon, pagpaplano, at ibang serious matters that Presidency requires. Dapat pag-isipan ito. Maraming out-of-town visitation ay kumakain din ng panahon ng Pangulo. Ang punto ko ay dapat mag-ukol ng sapat na panahon ang Pangulo sa pagre-reflect at pagbubuo ng kanyang desisyon sa seryosong bagay ng governance. Kailangan din siyang magbasa ng up-to-date books on world developments para sa pagbuo ng kanyang mahahalagang desisyon.
ANG ARAW-ARAW na pagsisimba ay pampalusog sa katawan at kaluluwa. Dito ako humuhugot ng lakas laban sa tukso at karamdaman sa katawan. Kaya 6:00 P.M. araw-araw, karipas kaming mag-asawa sa Christ the King Church, Q.C. Regular sa misa ang mga kasing tanda kong puro retirado na. Kagaya ko, mahihina at masasakitin na rin. Kailangan ang araw-araw na grasya at awa ng Diyos.
KUNG SA isang pasahero, nasa departure area na ako at naghihintay na lang ng boarding pass. Sa 68 na edad, malayo na ang aking nalakbay. May iilang tagumpay. Mas maraming sakit at luha. Kung ano man, ang Maykapal ay puno ng pag-ibig at kapatawaran. Malimit kong makasama sa misa si former MMDA Governor Ismael Mathay. Higit na siyang 75 anyos subalit malusog at may kalakasan pa. Matahimik na ang kanyang buhay na sa palagay ko ginugugol niya sa pagtulong sa kapwa. Paminsan-minsan, nalulungkot ako sa balitang may pumanaw sa mga kasama ko sa pagsimba. Ngunit ‘yan ang tanging katotohanan.
ANG PRIVATE Padre Pio Chapel sa Quezon City ay laging puno ng mga devotees galing kung saan-saang pook ng bansa. Napakamilagroso si Padre Pio. Mga written testimonials ng kanyang mga pinagaling ay nakalathala sa bulletin board ng chapel. Si Padre Pio ay tinaguriang stigmata saint. Dapat pag-ibayuhin din ng mga Pilipino ang debosyon kay Saint Lorenzo Ruiz. Atin siyang kababayan at tiyak na lagi niyang pagkakaloob ang kanyang intercession. Samantala, may isang religious sect na wala nang inatupag kundi batikusin ang Simbahang Katoliko sa kanilang dalawang TV networks. Pinagdidiinan nilang sila ang tunay na relihiyon kahit 73 anyos lang ang kanilang sekta. Sana’y maliwanagan sila. ‘Wag tayong magalit. Batuhin sila ng tinapay.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez