NAPALATHALA KAMAKAILAN ang kabayanihan ng isang askal na nagligtas sa buhay ng dalawang bata sa Zamboanga City.
Ang female askal ay may ngalang Kabang. Si Dina Bungal, 11, at Princess Diasing, 3, ay naglalakad sa Nuñez Extension ng siyudad nu’ng Disyembre 13, 2011 nang may biglang rumagasang motorcycle. Mula sa ‘di malamang kinaroroonan, humarang si Kabang sa tapat ng motorcycle at iniligtas sa tiyak na kamatayan ang dalawa. Ngunit ang kanyang kabayanihan ay nauwi sa halos pagkawasak ng buo niyang mukha.
Mahigit nang 30 taon ang nakararaan ang lala-king pet dog ko na si Rintin ay nagpamalas ng katulad na kabayanihan. Nagulantang ako sa pagsi-siesta sa aming balkonahe sa bahay ko sa Alabang, Muntinlupa nang bigla na lang akong nilundagan sa dibdib ni Rintin. Isang iglap, nakita ko nakikipaglaban sa isang cobra sa aking tabi. Inabot ng limang minuto at napatay niya ang cobra na sana’y tutuklaw sa akin.
Napakaraming istorya tungkol sa kabayanihan ‘di lamang ng pet dogs kundi ng iba pang alagaing hayop. Nu’ng lumindol ng intensity 9 sa Sendai, Japan, 2011, isang pag-ungol ng isang Labrador Retriever sa ilalim ng mga rubbles ang nagligtas sa isang dalawang buwang sanggol. Sa Barcelona, Spain, isang German Shepherd ang nagligtas sa mga inmates ng isang nasusunog na home for the aged sa pamamagitan ng pagtawag sa firemen.
Kung ang kabayanihan ay likas sa hayop, dapat ito’y mas likas sa tao na may husto at wastong pag-iisip. Ngunit ‘di lamang pagliligtas ng buhay ang bagtas ng kabayanihan. Kaunting bagay na pagtulong o pag-alala sa mga nangangailangan sa ating kapaligiran ay isang uri ng kabayanihan. At ito’y maipamamalas oras-oras, araw-araw.
SAMUT-SAMOT
MATAGAL NANG pasang-krus ng mga Pinoy ang E-VAT. Naghahanap-buhay na lang tayo dahil sa E-VAT. Sino bang Herodes ang nagpanukala nito? Sa termino ni dating Pangulong GMA naisulong ang batas. ‘Yan ang dahilan kung kaya si Sen. Ralph Recto ay itinakwil ng bayan nu’ng 2004 dahil isa siya sa mga pasimuno ng batas. E-VAT sa gas, pagkain, kuryente, gamot at iba pa. Kailan matatapos ating kalbaryo?
TARA NA sa Angono, Rizal. Sa munting bayang ito, ang art museum ng ating great muralist at artist
kahintulad ni Botong Francisco. Mahigit na apat na dekada na ang nakararaan, kinumisyon si Botong ng Unilab, pinakamalaking pharma firm sa bansa at Asya, na gumawa ng isang 20 feet mural. Ang theme ay Filipino Bayanihan. Mahigit ‘atang P100,000 ang fee. Ngayon, mahigit na P20-M ang halaga ng mural at tumataas pa.
ISA SA pinakaiirog kong awitin ay “Starry Starry Night” tungkol sa buhay ng great painter Van Gogh. Masarap pakinggan sa kalaliman ng gabi ‘pag ikaw ay nag-iisa at nagmumuni-muni ng mahapdi at masayang nakalipas. Tragic ang naging buhay ni Gogh na natapos sa kanyang pagpapakamatay. Ang kanyang paintings na tinaguriang still paintings ay pinamigay lang niya nu’ng siya’y buhay pa. Ngunit ngayon, ang isang painting ay nagkakahalaga ng pinakamababang $10-M at mahirap pang makakuha.
COMMENDATION IS in order sa MMDA sa paglilinis ng hyacinth aquatic plants sa Pasig River. Ang nasabing halaman ay isa sa mga dahilan sa flooding sa Metro-Manila. Water hyacinth harvester, a machine developed by DOST, can harvest 200 kilos of water hyacinths in one stroke. Ang halaman ay tinuturing na the most damaging aquatic plants sa buong mundo na nagka-clog ng major waterways sa North and South Africa and in other Southeast Asian countries.
ON THE positive side, napapakinabangan ang naturang halaman. May mga livelihood groups na nakadiskubre ng paraan para pagkakitaan ito sa pamamagitan ng pag-convert nito na bag, tela at papel. Sa ganitong paraan, marami ang nabibigyan ng kabuhayan at nakatutulong sa pagsugpo ng pagbaha sa mga lugar na pinamamahayan nito. MMDA, DOST at NGOs get your act together para umunlad ang ganitong livelihood projects para maibsan ang ating unemployment rate.
NAKARAANG HUWEBES Santo nag-Visita Iglesia kami sa Our Lady of Mediatrix sa Lipa City. Punung-puno ng devotees ang cathedral galing sa iba’t ibang parte ng kapuluan. Mapaghimala ang Mahal na Birheng Mediatrix ayon sa maraming nabiyayaang devotees. Malaking posibilidad na mapagtibay na ng Vatican ang milagro ng Mediatrix na tinaguriang shower of petals 50 taon na ang nakakaraan. Isa ako sa naniniwala sa naging milagro. Pitong taon ako nang mangyari ito.
ANG EPEKTO ng Conditional Cash Transfer (CCT) program, ang alleviation program for the poor, ay ‘di halos maramdaman. Kailangang bigyan ng masusing assessment ang proyekto. Ayon sa SWS survey, whitespread pa ang gutom at paghihirap sa mahigit 25 milyung pamilya sa kapuluan. ‘Di pa kasama rito ang numero ng mga pamilyang nasa kategoryang “poorest of the poor”. Self-help at pag-gegenerate pa rin ng job opportunities ang mainam na solusyon sa kahirapan. ‘Di hand-outs.
ANG DILG ay ‘di hands-on sa epektibong local governance. Inutil ang pamumuno ni Sec. Jess Robredo. Puro patsi-patsi ang projects na inaatupag. Ang problema ng peace and order ay lalong lumalala. Ano na ang nangyari sa anti-jueteng drive? Ningas-kugon. Balik na naman ang mga usual suspects sa dating gawi. Nakakaimbyerna.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez