SA TUWING papasok ang ber months ay nagtataasan ang kaso ng krimen lalo na ‘pag September, November at bumababa naman na pagpasok ng December. Pero maging maingat pa rin tayo dahil ang aksidente nga naman at mga krimen ay walang pinipiling oras. Hindi natin alam kung kelan mangyayari, pero ang mahalaga ay maging alerto sa bawat oras lalo na kapag tayo ay nasa labas ng ating bahay. Dahil magpa-Pasko at marami ang mga bibili ng panregalo, ang iba ay makatatanggap ng kanilang Christmas Bonus, ang iba naman ang kanilang 13th month pay at iba’t iba pa, at magiging sale sa iba’t ibang pamilihan katulad sa mall at iba pa, kaya naman mataas ang krimen tuwing ber Months dahil iyon ang mga isa sa mga target din nila.
Iba’t ibang sitwasyon ang nangyayari tuwing ber months tulad nga ng pagtaas ng bilang ng mga krimen ng mga mandurukot, holdaper, at isa pang sitwasyon tulad ng paglala ng trapiko dahil marami ang mga mamimili ng panregalo, pang-decoration, panghanda, at iba pa. Hindi rin mawawala ang mga modus at scam.
Iba’t ibang modus tulad ng akbay gang na kapag ika’y mag-isa lamang ay bigla ka na lamang aakbayan at tututukan ng kutsilyo o baril at kukunin ang mga bagay na makukuha sa ‘yo tulad ng cellphone, wallet, pera, at iba pa. Kapag tayo ay mag-isa lamang na naglalakad, tayo’y sumabay sa maraming tao o grupo ng mga tao upang hindi tayo matiyempuhan ng mga akbay gang na modus na ito.
Nandiyan din ang mga mandurukot na nakapanlilinlang dahil minsan ay may kakausap sa ‘yo at iyong tao naman na ‘yun ay may kasabwat at dudukutan ka na lamang habang ang atensyon mo ay nasa isa. At siyempre lalo na sa maraming tao, kapag siksikan ang lugar ay maging alerto tayo lagi at ilagay sa harapan at hawakan nang mabuti ang ating mga gamit upang maiwasan na madukutan o manakawan tayo.
Tuwing ber months, siyempre nagagalak, natutuwa, at nae-excite tayo dahil simula na ng mahabang selebrasyon ng Pasko na rito lang ‘yan sa ating bansa, ngunit kasabay rin nito ay ang iba’t ibang mga krimen. Hindi rin mawawala ang mga modus na scammer na ‘yan na gagamitin ang teknolohiya para makapag-uto at makapagnakaw sa kapwa. Mag-ingat tayo sa mga scam na tulad ng bigla na lamang may magkacha-chat na ating kamag-anak at nagpapasuyo o nagpapabili ng mga Globe at Smart Prepaid load dahil sasabihin ay mabenta sa kanilang lugar, lalo na kapag nasa labas ng bansa at kakausapin ka sa Facebook o Skype, at malilinlang ka na lang nila, at sasabihin na may ipadadala sila na pera sa iyo at may tatawag na lamang sa iyo na magpapanggap din na siya ay mula sa isang remittance, pero peke lamang. Maaari nating huwag na lamang pansinin at iwasan ang ganitong pangyayari, dahil ang Facebook ay naha-hack nga,l kaya maging alerto tayo sa ganitong bagay-bagay upang maiwasan at ating maisahan din ang mga manlolokong modus na mga scammer.
Tayo ay magdiwang sa mahabang selebrasyon ng Pasko sa ating bansa na kasabay ay dobleng pag-iingat at alerto kung saan-saan man upang maiwasan ang mga mandurukot, o mga krimen.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo