SINUBUKAN MO na bang alalahanin kung kailan pa ang panahon na ikaw ay may naging karelasyon? Lumagpas ka na ba sa three-month rule o ‘yung sinasabing puwede ka nang makipag-commit sa iba kapag tatlong buwan na ang lumipas mula nang kayo ay nag-break? Baka naman may isang taon na ang lumipas? O ang mas malala, baka naman simula’t sapul single ka pa rin?
Hindi ko naman sinasabi na ikaw ay talunan kung NBSB (No Boyfriend Since Birth) o NGSB (No Girlfriend Since Birth) ka. Ang artikulo kong ito ay para sa mga single sa pali-paligid na nagtatanong kung bakit single pa rin sila hanggang ngayon. Kaya, diretsuhang tanong, bakit nga ba?
Kadalasan kasi, may mga bagay-bagay na nakasanayang mong gawin na hindi mo namamalayang ito ang nagiging rason kung bakit kahit ilang beses mo nang sinubukan magkaroon ng karelasyon, pagdating sa huli, single ka pa rin.
“Siya at siya pa rin”
Hindi ibig sabihin nito ay iisang taong ang dini-date mo, ang ibig sabihin ng linyang ‘yan ay kahit iba-iba ang kinakatagpo mo, wala pa rin siyang kinaibahan sa mga una mong ka-date na wala namang magandang narating. Mula sa itsura, sa istilo ng pananamit, sa ugali, naku parehas pa rin. Paano ka nga ba makahahanap n’yan ng para sa iyo kung ang tigas ng ulo mo. Alam mo na ngang walang kinahantungan ‘yung mga nakaraan mo, pilit mo pa ring hinahanap iyon sa katauhan ng iba.
“Alam na ngang player, nakikipaglaro pa”
Para ito sa mga kababaihan na may gawaing “bigay ng number diyan, bigay ng number dito” at para rin sa mga kalalakihan na “hingi ng number diyan, hingi ng number dito”. Naku, kung ikaw ay madaling nakuha sa pahingi-hingi ng number sa unang kita, maliit ang tyansa na mauuwi sa seryosohan ‘yan. Anong malay mo kung nagpustahan lang sila ng kabarkada niya na makuha ang number mo at anong malay mo na number mo lang ang hiningi niya. At paano ka nakasisigurong seryoso siya.
“Palibhasa, perpekto ka kasi”
Mahirap kasi sa mga kabataan ngayon, puro kamalian ang nakikita sa isang tao kaya madaling ma-turn-off. Minsan kasi, hindi mo pa nga nakikilala nang lubusan ‘yung tao, nahuhusgahan mo agad dahil ang pinapansin mo ‘yung pangit sa kanya. Sa bagay, hindi mo rin naman masisisi ang sarili mo dahil mas madali nga namang makita ang kamalian ng tao kaysa sa kabutihan nito. At dahil diyan, dapat alisin mo na ang ganitong pag-uugali, bigyan mo rin naman ng tyansa na mailabas kung sino talaga siya at bigyan mo rin ang sarili mo ng pagkakataon na mas makilala mo pa siya.
“Pili diyan, pili there”
Para naman ito sa mga taong mataas ang standards! Mga ala-Adam Levine ang tipo o kaya naman Jennifer Lawrence. Suntok sa buwan ang mga ganyan, kaya single pa rin eh, ang hilig mo kasing maghanap ng nawawala.
Kung gusto mong lisanin ang Single Forever Squad, kung ako sa iyo, tigilan mo na ang mga gawain na nagiging dahilan sa pagiging forever alone mo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo