‘Di Isinauli ang Hiniram

Dear Atty. Acosta,

NANGHIRAM SA akin ng isang 4th generation iPod ang aking kaibigan mga 7 buwan na ang nakalilipas. Kaya lang, ito raw ay nawala nang masangkot siya sa isang away. Nangako naman siyang ito ay papalitan. Subalit lumipas ang limang buwan ay hindi pa rin niya napapalitan ito. Kaya napilitan akong tawagan ang kanyang mga magulang para ipaalam ang nangyari. Subalit sa halip na ako ay asikasuhin, ako pa ang sinisi ng lola niya. Bakit ko raw pinahiram sa apo niya ang iPod. Ang sabi naman ng tatay niya ay kahit ipatawag pa raw namin ang presidente ay hindi nila babayaran ang iPod. Ano ang dapat kong gawin? Pareho kaming menor de edad at ang mga magulang naman niya ay hiwalay. Nabalitaan ko na binenta pala niya ang iPod sa Greenhills. Paano po ba maibabalik o mapapalitan ang aking iPod?

Alyanna

 

Dear Alyanna,

AYON SA batas, ang kasunduan sa pagpapahiram ng isang bagay o kagamitan na hindi nauubos at kailangang isauli pagkatapos ng takdang panahon ay tinatawag na commodatum. (Article 1933, New Civil Code of the Philippines)

Sang-ayon pa rin sa batas na ito, ang taong nanghiram ay mananagot sa taong nagpahiram kung sakali mang mawala o masira ang bagay o gamit na pinahiram. (Article 1942, New Civil Code of the Philippines)

Base sa mga nabanggit na batas, mananagot sa iyo ang iyong kaibigan sa pagkawala ng iyong iPod. Obligasyon niyang pangalagaan ito at isauli sa iyo kung ito ay kailangan mo na o kaya naman ay kung ito ay kukunin mo na. Kung wala kayong usapan patungkol sa panahon kung kailan niya maaaring gamitin ang iyong iPod o wala namang partikular na dahilan kung saan niya ito gagamitin, ito ay maaari mong kuhanin sa kanya kung kailan mo ito naisin. (Par. (1) Article 1947, New Civil Code of the Philippines)

Subalit base na rin sa iyong pagsasalaysay, hindi nawala kundi ibinenta ng iyong kaibigan ang iyong iPod. Sa pagkakataong ito, hindi lang sa obligasyong sibil maaaring panagutin ang iyong kaibigan, siya rin ay maaaring panagutin sa kasong kriminal. Ang ginawa niyang pagbenta ng iyong iPod na lingid sa iyong kaalaman ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas at ito ay may karampatang kaparusahang pagkakulong. Ang kasong ito ay tinatawag na Swindling o Estafa batay sa Artikulo 315 1(b) ng Revised Penal Code of the Philippines.

Kung hindi na maibabalik pa ng iyong kaibi-gan ang iyong iPod dahil ito ay naibenta na niya, maaari mo itong pabayaran sa kanya o kaya naman ay humingi ng kapalit. Mabuti rin sigurong ipagbigay-alam mo ito sa iyong magulang upang sila na lang ang makipag-usap sa magulang ng iyong kaibigan kung paano mababayaran o mai-babalik ang iyong gamit. Kung walang kasun-duang magaganap, maaaring ipagharap ninyo sila ng kasong sibil o kriminal. Kung kayo ay nakatira sa iisang barangay o siyudad o munisipalidad, mabuting kayo ay dumulog muna sa barangay para sa posibilidad na kayo ay mapag-ayos bago kayo maghain ng kaso sa korte.

Subalit dahil ang iyong kaibigan ay menor de edad pa, ayon sa batas, maaaring siya ay hindi mapanagot sa kanyang kriminal na responsibilidad at tanging ang sibil na obligasyon lamang ang maaaring ipasagot sa kanya sa pamamagitan ng kanyang mga magulang. (Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006)

Nawa ay naliwanagan ka sa opinyon naming ito.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleAlden Richards, ‘di pa raw handang mag-model ng underwear
Next articleBilly Crawford, balik-Europe para sa kanyang bagong international album

No posts to display