‘DI KO alam kung mamatay ako sa tawa at poot.
Nang inuwi ang bangkay ng isang babaeng OFW na nabitay sa Tsina dahil sa drug trafficking, pinagkaguluhan ang mga kamag-anak niya ng media. Isang may uhog pa sa ilong na TV broadcaster ng isang network ang excited na nagtanong sa anak: Sigurado, Ma’am, lungkot na lungkot kayo ngayon? Bakit po ba?
Kamakailan, isang babaeng UST graduate, 20 anyos ang pinatay ng dalawang pedicab drayber sa Cavite. Sa burol, isang humahangos na TV reporter ng isang bagong network ang nagtanong sa una: Naiintindihan namin ang inyong hinagpis. Pero, mapapatawad ba ninyo ang pumaslang?
Ito lamang ang dalawa sa maraming insidente ng TV interviews na siksik ng katangahan – at oo – kabulastugan. Siyempre, ‘pag namatayan, nalulungkot. At bakit tinatanong agad ang pagpapatawad sa isang namatayan? Kabulastugan.
‘Di iilan sa mga ill-trained TV reporters ang naglipana sa field. Sa mga press conferences nagkakalat sila ng katangahan sa mga isyus na irrelevant. Na-ging karanasan ko ito nu’ng ako’y Presss Undersecretary. Sa aking pinatawag na presscons o interviews kay Pangulong Erap, iihi ka ng dugo sa ganitong uri ng TV reporters.
Muli dekada 60s hanggang 90s, de kalidad ang mga kasapi ng media. Naka-formal na suot – amerikana o barong – ang nagko-cover ng Congress at Malacanang. Fully trained sa journalism. Maginoo at mature. Ngayon ang mga reporters sa Malacanang ay suot maong, T-shirt na walang collar. Karamihan halos nanlilimahid.
Katungkulan ng publishers o owners ng TV-radio stations na baguhin ang kulturang ito. Hindi kung sinu-sino na lang ang ire-recruit at isasalang sa mga maseselang beat. Bigyan sila ng malalaking sahod na kaugnay ng kanilang malaking tungkulin at res-ponsibilidad.
SAMUT-SAMOT
PANALANGIN NA ang peace agreement na pinirmahan with the Bangasamoro does not suffer serious hitch. And it looks like it. Tumigil na si Nur Misuari ng alburoto at ang ibang mga faction ay nakiki-ayon din ng kapayapaan sa Mindanao. Sa totoo, pagod na ang magkabilang panig. Itigil na ang pagdanak ng dugo at magkapit-bisig para sa kapayapaan at kaunlaran.
KAHAPON PINA-ASSEMBLE ko na ang Christmas tree kasabay ng pagkakabit ng Christmas lights. Ewan ko bakit ako nakararamdam ng kakaibang damdamin. Ganito na ako mula pagkabata. Inaasam-asam ang halimuyak ng Pasko. Kasiyahan ay nasasalamin din sa mukha ng dalawa kong apo. Nakatulong sila sa decoration ng Christmas tree habang kami ng aking maybahay ay buong kasiyahang nagmamasid. Ito ang ‘di maipaliwanag na biyaya ng Pasko. Kapayapaan mula sa puso, sa bonding ng buong pamilya. Ano kaya kung walang Pasko?
SA PASIG City ay walang naglakas-loob na makipagtunggali kay Mayor Bobby Eusebio. Traditional Eusebio performance in public service sa loob ng apat na dekadang singkad. Sa kanilang pamamahala, umunlad ang siyudad. Pampered ang mga senior citizens at excellent delivery of basic services. ‘Di dito isyu ang political dynasty. Basta maayos ang performance, ‘di na bale kung sinu-sino sa Eusebio family ang tumakbo.
PAGKATAPOS NG 2013 eleksyon, paghahandaan na ang 2016. Sa puntong ito, tila unang naging llamado si VP Jojo Binay. Wala kaming nakikitang kanyang malakas na makatutunggali. He’s playing his political cards well. Si Sen. Mar Roxas ay maghulos-dili kung binabalak niyang magkaroon ng return bout kay Binay. Wala pa siyang pinamamalas na superlative performance bilang miyembro ng gabinete. Maraming nagsasabi, over-rated siya. Correct sila rito.
SA ISANG burol ng isang batikang journalist, Jun Bautista, matagal kaming nag-usap ni former Sen. Ernie Maceda. Maya-maya pa dumating ang ilang PSG. Saglit lang dumating na rin si P-Noy kasama sina DILG Sec. Mar Roxas at DOTC Sec. Abaya. Nakiramay sila sa maybahay ni Jun. Pagkatapos ng 20 minuto, tumayo na ang Pangulo. Tumindig kami ni Manong Maceda bilang paggalang. Lahat ay kinamayan at binati ni P-Noy maliban lang kay Maceda. Kitang-kita ang pag-iwas ni P-Noy. Naalala ko nga pala na binibira lagi sa Star column ni Maceda ang Pangulo. Anong sey ninyo?
NU’NG AKO’Y nagtatrabaho bilang Usec sa Malacañang, ang dami kong kaibigan. Alam nilang malapit at pinagkakatiwalaan ni dating Pangulong Erap. Subalit nu’ng nawala na ako sa puwesto, naglaho bigla ang mga kaibigan kong mga iyon. ‘Di lamang ito. Mara-ming pagkakataong napansin ko na umiiwas sila sa akin. ‘Di ako nasaktan. O naghinanakit. Alam kong ganyan ang pulitika. Ngayon at bumabango na muli si Erap, tumatawag na sila muli sa akin. Alam ko na ang dapat kong gawin.
MAS MASAKIT ang sinapit ni dating Pangulong GMA. Iniwan na halos siya ng dating kasamahan lalo na ‘yung kanyang mga natulungan. Balita’y isa o dalawang dating gabinete na lang ang dumadalaw sa kanya sa V. Luna Hospital. Masakit pa nito, parang walang masyadong naawa sa kanya. Kung anong itinanim, siyang aanihin.
SI DATING PCSO Chair Manoling Morato ay sumailalim sa bypass surgery kamakailan. Sa edad na 79, mabuti na kaya pa niya ang procedure. Biglang na-ging tamemeng tupa si Morato habang hinaharap niya ang isang plunder case. Nu’ng kalakasan pa niya, grabeng mag-insulto at mang-away ng tao. Parang siya na lang ang honest at upright. Isa ako sa mga naging biktima ng malupit niyang pang-aalipusta. Kung tawagin niya ako sa kanyang People’s Journal column ay “askal ni Erap”. Ngunit pinatawad ko na siya. Kung patatawarin siya ng batas ay ibang usapan na.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez