Kabulastugan

SA TUWING may ilalabas na resulta para sa alin mang survey, dapat palaging kalakip nito ang pangalan ng grupo o tao na nagbayad upang maisagawa ang nasabing survey. Importanteng malaman ito ng sambayanan.

Ang resulta ng isang survey ay nakapag-iimpluwensya sa desisyon ng isang tao lalo na sa panahon ng eleksyon. Para sa isang pangkaraniwang mamamayan, halimbawa, mas pipiliin niyang botohin ang isang kandidato o mga kandidato na nangunguna o pasok sa survey.

Iisipin niyang bakit nga naman niya sasayangin ang kanyang boto sa isang kandidato o mga kandidato na talunan sa survey. Pero ang hindi niya alam, ito ang eksaktong gustong itanim sa isipan niya – at sa iba pang mga katulad niya – ng mga nagpapa-survey.

Ito rin ang bukod-tanging dahilan kung bakit handang gumastos ng milyun-milyon ang mga kandidato para magpa-survey. At siyempre, ang mga sumuka ng pera ang siyang mga papaboran at palilitawin na llamado sa survey.

SA RESULTA ng isang survey kamakailan, lumitaw na siyam na senatoriable candidates ng Liberal Party (LP) ang pumasok sa Magic 12 at tatlo lamang sa United Nationalist Alliance (UNA). Ito’y isang malaking kabulastugan. Baka naman mga empleyado ng Malacañang at mga kamag-anak ng LP lang ang mga naging respondent ng survey na ito.

At kaya may pumasok na tatlong kandidato sa UNA ay sapagkat ang mga napag-utusang mag-survey ay inabot ng konting kunsensiya at nagsama ng tatlo mula sa kalaban para pakunsuwelo de bobo.

Hinding-hindi ko makalimutan ang minsang ipinalabas na resulta ng isang survey company para sa mga programa sa radyo sa oras ng 2:00-4:00pm maraming taon na ang nakararaan. Sa naturang survey, lumitaw na kulelat ang Wanted Sa Radyo (WSR).

Sa ginawa kong pagsasaliksik, natumbok ko ang isa sa mga taong napag-utusan na mag-conduct ng nasabing survey. Tinawagan ko ito at tinanong ko sa kanya kung paano ang sistema ng pagsasagawa niya ng survey.

Bago niya masagot ang aking tanong, sinabi niyang isa raw siya sa masugid na tagapakinig ng WSR. At sa tuwing sumasakay raw siya ng taxi o napupunta sa palengke, tiyempong ang WSR daw ang pinakikinggan.

Kaya sabi ko sa kanya, kung ganoon pala, eh bakit naging kulelat ang WSR sa resulta ng isinagawa niyang survey?

Ang kanyang sagot ay, “Mayroon kasi kaming sinusunod na formula sa pagta-tally ng survey, Sir.” Anong klaseng formula? “Mahirap maipaliwanag Sir.” Bakit hindi mo subukang ipaliwanag sa akin? “Sorry Sir, kahit ipaliwanag ko sa iyo, hindi mo pa rin maiintindihan.”

At nagtapos ang aming pag-uusap sa kanyang mga pakunsuwelong pananalita tulad ng “’Di bale, Sir, tutal isa naman akong masugid na listener ng inyong programa.” Sinagot ko naman siya nang sa susunod na gagawin niyang survey, huwag na niyang isasama sa listahan ang pangalan ng WSR.

Ang kinukundisyon naman ng mga nagpapa-survey para sa mga programa sa radyo at telebisyon ay ang mga advertiser. Bakit nga naman magsasayang na maglalagay ng ads ang isang advertiser sa mga programang kulelat naman pala? Ito ang eksaktong gustong itanim sa isipan ng mga advertiser ng mga programang nagpapa-survey.

HINDI KAPANI-PANIWALA na hindi kilala ng taumbayan – lalo pa ng mga maliliit na mamamayan – ang pangalan ni Cong. Jack Enrile. Ang apelyidong Enrile ay namamayagpag simula’t sapul dahil na rin kay Senate President Juan Ponce Enrile na nagmula pa nang ito ay nagsilbing isa sa mga haligi ng Edsa People Power 1.

Kaya kabulastugan na hindi napasama sa Magic 12 ng senatoriables ang apelyidong Enrile. Pagkatapos ng eleksyon, tiyak na may mapapahiya na mga survey company.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleSari-saring Chikka 04/01/13
Next articleDirek Cathy Garcia Molina, gustong magkatuluyan sina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo!

No posts to display