NITONG NAKARAANG buwan lamang ay katakot-takot na sabon at banlaw ang inabot ng DOTC at LTO mula kay Senator Ralph Recto dahil sa pinatutupad nitong paniningil sa pagpapalit ng mga lumang plaka ng mga nagpaparehistro. Kasabay nito ay ang mga bagong plaka para sa mga bagong sasakyan. Ang problema ay kung ang mga bagong plaka ay hindi mai-release sa mga bagong may-ari, paano pa kaya ang mga lumang sasakyan na papalitan din ang mga plaka ng bagong bersyon nila nito.
Ayon kay Recto, wala siyang makitang benepisyo para palitan ang mga lumang plaka ng bago. Parehong plate number din naman ang gagamitin at wala ring safety features ito gaya ng unang sinabi ng LTO. Halatang-halata na pilit ang pagpapatupad nito at tiyak na mayroong nakikinabang dito.
Bunsad nito ay nagpalabas ang Korte Suprema ng kautusang ipatigil ang paniningil sa mga nagrerehistro ng kanilang mga lumang sasakyan na bayaran ang bagong plaka na ipapalit sa luma. Ang problema ay magpahanggang ngayon ay makikita pa rin sa resibo ng mga nagpaparehistro ang bayad na P450.00 para sa bagong plaka na wala na naman, at ipinatitigil pa ito ng korte. Bakit ba tila walang aksyon ang LTO rito at hindi sumusunod sa utos ng korte? Talagang magpahanggang ngayon ay bulok pa rin ang gobyerno.
ANG KABULUKAN sa gobyerno ay nag-uugat sa kabulukan sa pulitika. Wala namang halos pinagkaiba ang nepostismo at political dynasty, pero ang mga makakapal na mukha na bahagi ng isang nepotismo at political dynasty sa Pilipinas ay nagpapatutsadahan pa.
Alam naman natin na sa gabinete ni PNoy ay maraming inaakusahan ng nepotismo. Una na rito si Budget Secretary Francisco “Butch” Abad. Ang asawa nito at ilang miyembro ng pamilya ay nakaupo rin ngayon sa mga maiimpluwensyang sangay ng pamahalaan. Sari-saring batikos na rin ang ibinato kay Abad hinggil dito, ngunit ang tila mahirap lunukin para sa kanya ay ang pambabatikos ni Senator Nancy Binay na isa rin namang bahagi ng pamilyang maituturing na isang political dynasty. Bukod sa naging mayor din ng Makati si Dra. Elenita Binay na asawa ni VP Jejomar Binay, kasalukuyan ding mayor ng Makati ngayon si Junjun Binay at Makati congresswoman si Abigail Binay. Lumalabas na lahat ng miyembro ng pamilya Binay, mula sa mga magulang at pati mga anak, ay nasa puwesto sa pulitika.
HALOS WALA namang pinagkaiba ang political dynasty sa nepotismo kung prinsipyo ang pag-uusapan. Parehong uri ng pagkamkam ito ng kapangyarihan ayon sa mga political science at sociology experts. Pareho ring gumagamit ng impluwensya ang nepotismo at political dynasty. Ang ibig sabihin ay pareho itong salot sa lipunan at hindi na dapat payagan ng isang demokratikong bansa gaya ng Pilipinas.
Ito rin ang pangunahing dahilan kung kaya’t hinihikayat ng simbahang Katolika ang sambayanang Pilipino na huwag nang iboto ang mga pamilyang nasa pulitika. Isa lamang ang tanda ng kanilang kahinaan at ito ang pagiging gahaman sa kapangyarihan. Ang lahat ng sobra ay masama, ‘ika nga sa isang kasabihan.
Dapat ay matuto na tayo sa ating kasaysayan at maging sa mga kasalukuyang sistema sa pulitika. Pansinin natin na sa Senado pa lamang ay grabe na ang mga relasyong pamilya. Sa nakalipas na 10 taon ay nagkaroon na ng mag-aama, mag-iina, magkakapatid, magtitiyuhin, magpipinsan, at mag-asawa sa Senado. Kaya naman hindi kataka-taka na mahirap at magulo pa rin ang Pilipinas. Kailangan tayong maghalal ng mga bago at matitinong maglilingkod nang tapat sa sambayanang Pilipino.
ANG PINAKAMALUNGKOT ay nagpupumilit ang ibang mga pulitiko na maluklok sa puwesto kahit sobrang basa na ang kanilang mga papel at halos wala nang reputasyon pa sa isyu ng katapatan sa tao.
Nandiyan ngayon ang mga usap-usapan sa mga pagpapalutang ng kombinasyon o tambalan sa 2016 elections. Narinig n’yo na ba ng “MarNoy” at “BiNoy”? Hindi ba nakakasuka na ang ganitong mga pakulo? Nakakapangilabot isipin na baka isa na namang pangulo ng Pilipinas ang tatakbo sa Kongreso, Senado, o maging sa kahit anong mababang posisyon sa gobyerno.
Ipinalulutang din ang tambalang kinakikitaan ng pag-asa ng mga Pilipino bago sumapit ang eleksyon. Ito ang “Poe-Chiz”at “Chiz-Poe”.
Kailangan nating maging mapanuri at huwag magpadala sa mga panlilinlang ng mga bulok na pulitiko gaya ng paggamit sa survey results. Tapusin na natin ang mga kabulukang ito sa gobyerno at pulitika ngayong darating na 2016 Elections!
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay mapapanood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 – 5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-5536 at 0917-792-6833. Maaari ring magsadya sa aming action center na matatagpuan sa Unit 3B Quedsa Plaza Building, Quezon Avenue corner Edsa, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo