AANHIN PA ang damo kung patay na ang kabayo? Natural nanakawin na lang at ipalamon sa mga kambing!
Ganito ‘yon.
Sari-saring delubyo ang humambalos sa ating bansa noong 2011. Sumabog ang bulkang Bulusan, binaha ang Kabikulan, lumubog ang Bulacan at Pampanga, nilindol ang ilang bahagi ng Kabisayaan at nitong nakaraang buwan lamang ng Disyembre ay inilublob ni Sendong sa matinding baha ang Cagayan de Oro City, Iligan at ilang bahagi ng Mindanao.
Sa lahat ng naganap na kalamidad na ito ay walang hindi nakisimpatiya sa mga biktima. Lahat, parekoy, ay nanawagan na dapat magtulungan at magdamayan.
Kaya naman maging ang pribadong sektor at iba’t ibang organisasyon ay kapit-bisig na kumilos upang makapagbigay ng tulong sa mga biktima ng nasabing mga kalamidad.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay panay naman ang pa-epal sa pamamagitan ng media. Na kesyo, magtulungan ang mga Pinoy upang maipadama sa ating mga kapatid na biktima ang pagmamahal ng kanilang kapwa. Kaya lang… kulang talaga ang pondo.
‘Yan ang pahayag ng mga taga-DSWD sa tuwing dumaraing ang mga biktima ng kalamidad.
Pero sandali, parekoy, ano itong isiniwalat mismo ng Commission On Audit (COA) na noon pa mang Disyembre 2010 ay mahigit dalawang daan milyong piso (P200M) ang nakaimbak lamang sa banko?
Ang perang ito ay donasyon mula sa iba’t ibang bansa bilang tulong para sa mga biktima ng kalamidad sa ating bansa!
Ngunit hinambalos na tayo ng lahat na halos na uri ng kalamidad.
Kung ilang libo na ang mga biktimang namatay, nagutom, nauhaw, nangaykay sa ginaw at nagkasakit dahil sa kakulangan ng pagkain, tubig, kumot, gamot at iba pang pa-ngangailangan ng mga biktima.
Pero ang nasabing pera ay hindi ginagalaw ng demonyong DSWD para maitulong sa nasabing mga biktima!
Hindi tuloy maiwasang magtanong ng taumbayan… bakit sa gitna ng mga naganap na kalamidad ay hindi pa rin inilabas ng DSWD mula sa banko ang napakalaking halagang ito para maiayuda sa mga biktima ng kalamidad?
Samantalang ipinagkaloob ito ng foreign donors para naman talaga sa mga biktima ng kalamidad?
Bakit kung hindi pa nag-ingay ang COA ay hindi pa nalaman ng taumbayan ang tungkol sa perang ito?
Ano ba talaga ang plano ng mga halimaw sa DSWD tungkol sa perang ito? Tuluyan na bang itago ang halagang ito mula sa mata ng taumbayan? Upang kung tahimik na ang kapaligiran ay kanila nang paghahatian ng kung sino mang impaktong may pakana nang pagtatago nito?
Para sa mga naging biktima ng kalamidad na makababasa nito, pa-katatandaan po ninyo ang pangalang Dinky Soliman.
Siya po ang Kalihim ng DSWD na, ayon sa ating tawiwit ay, nanganga-rap tumakbong senador sa darating na 2012 elections!
Kung ako ay biktima o kapamilya ng mga nabiktima ng anumang kalamidad… isang kagaguhan kung iboboto ko si Dinky Soliman! Para sa akin, siya ay isang napakalaking PWE!
KAYA NAMAN pala hindi kayang ipatigil ni PNP Provincial Director S/Supt. Rosauro Aceo ang naglipanang iligal na sugal sa lalawigan ng Batangas, dahil may isang “Tisoy” na nakikialam.
Ayon sa ating tawiwit, takot si Col. Aceo na galawin ang naglipanang iligal na sugal sa nasabing lalawigan dahil sa takot nito sa banta ni Tisoy na ipatatapon siya sa kangkungan!
Makinabang ka na lang pero huwag kang magkakamaling galawin!!
Ang salitang ito ni Tisoy kay Col. Aceo, ayon pa sa ating tawiwit, ang tunay na dahilan kaya sa halip na ipatigil ay nagpapakulekta na lamang ang nasabing Provincial Director.
Ang tanong, bakit ganun na lamang ka-tikas itong si Tisoy?
Ala eh, masyado raw kasing malapit sa puso ni Gov. Vilma Santos Recto itong si Tisoy!
Gets n’yo na? Hak, hak, hak!
Pakinggan sa radio ang patas at walang takot na pagbabatikos sa aking programang ALARMA KINSE TRENTA sa DZME 1530 kHz AM, tuwing Lunes – Biyernes, 6-7 ng umaga. Para sa inyong mga reklamo o sumbong, 0932-1688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303