SI ROLANDO Ramos ay isang kagawad ng Barangay Wawang Pulo, Valenzuela City. Siya rin ang chairman ng peace and order council ng nasabing barangay. Pero kung ang sumbong ng tanod na si Misael Manata at ng maybahay nito ang pagbabatayan, si Ramos ay isang kagaw na nagbibigay-salot sa kanilang lugar.
Noong May 25, 2012, bandang 9:00 pm, naka-duty si Misael at ang kanyang executive officer na si Jose Ducabo sa barangay hall ng biglang dumating ang lasing na si Ramos kasama ang isa niyang pinsan na nagngangalang Richard.
Tinanong ni Ramos ang dalawa kung mayroon bang problema. Nang sabihan siyang wala, mabilis ang buweltang sagot nito na “bibigyan ko kayo ng problema”. Sa puntong iyon, binuhat at itinaas ni Richard ang isang silya para ihampas sana kay Misael.
Pero sa sobrang kalasingan, nabitiwan niya ito at tumilapon kay Ramos, na ng mga sandaling iyon ay nakapuwesto sa kanyang likuran. Nakatakbo si Misael palabas ng barangay hall pero nagkataon namang nakaabang ang kapatid ni Ramos na si Alex kaya agad siyang nasukol. Nang muling magpanginabot si Ramos at Misael, pinaluhod ni Ramos ang tanod habang nakatutok ang kanyang baril dito.
Gumagapang si Ramos at nagmamakaawa habang pinagtutulungan siyang bugbugin ng magkapatid. Nang makahanap ng tiyempo, tumakbo si Misael sa palaisdaan at lumundag siya rito. Halos isang oras din siyang palanguy-langoy sa palaisdaan habang nakaabang si Alex at kagawad at naghihintay na siya ay umahon.
Nang mainip si kagawad sa kahihintay kay Misael na umahon, sumugod ito sa bahay ng tanod at tinutukan si Misis Manata ng baril. Pagkatapos noon, animo’y nawala na siya sa sarili at nagpaputok ng baril. Pinagbabaril din niya ng ilang beses ang Bangka na pag-aari ng mag-asawang Manata.
NOONG APRIL 27, 2012, bandang 12:00 pm, hinatid ni Arnold Miguel, isang security guard, ang kanyang kaibigan sa bahay nito lulan ng isang motor. Matapos mai-drop-off ang nasabing kaibigan, nagulantang na lamang siya ng may humarang na mobile car.
Ang mga pulis na humarang sa kanya ay sina PO1 Daniel Miram at PO2 Charlie Ulanday ng MPD Station 9. Kinapkapan ng dalawa si Arnold. Sobrang gulat ni Arnold nang biglang magpakita ng isang sachet ng Shabu ang mga pulis at sinabing nakuha ito sa kanyang bulsa.
Kinaladkad ng dalawa si Arnold sa presinto. Hindi umubra ang lahat ng pagmamakaawa niya sa mga pulis na hindi sa kanya ang Shabu. Pinapili siya kung gusto ba niyang matuluyan o umareglo na lang.
Sa sobrang takot, walang magawa si Arnold kundi ang ibigay ang lahat ng laman ng kanyang wallet na nagkakahalaga ng P3,000. Pero ‘di niya akalain na di pa pala sapat ang kwartang iyon dahil gumawa ng kasulatan ang mga pulis.
Sa nasabing kasulatan, nakasaad na sinasanla ni Arnold ang kanyang motor sa isang tao na bata ng mga pulis sa halagang P15,000. Sa kagustuhang makawala na sa kinalalagyang kalbaryo, pinili na lang niyang pirmahan ang nasabing dokumento.
ANG KUWENTO ng barangay tanod na si Misael at security guard na si Arnold ay mapapanood mamayang gabi sa programang WANTED sa TV5, pagkatapos ng Pilipinas News. Kung nais ninyong magsumbong sa WANTED, mag-text lamang sa 0917-7-WANTED.
Maaari rin po kayong dumulog sa Action Center nito na matatagpuan sa 168 E. Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo