MASYADONG BINIBIGYAN NG double meaning ang pagsasabi ni Marlon na “magpakalalaki sana si Enchong Dee!”
Si Marlon ‘yung nadamay lang nu’ng magkabanggaan ang minamanehong kotse ni Enchong at ng isang jeep. Ayon sa police report, kasalanan nu’ng jeep.
Eh, itong pasaherong si Marlon, nakalitaw ang paa, kaya sumabit sa banggaan, dahilan para ito’y mapilay.
“Kung tutuusin, sabi ng pulis, wala akong pananagutan ke Marlon,” sey ni Enchong, “Kasi, pananagutan siya ng jeep, dahil du’n siya nakasakay at dapat talaga, nasa loob ang mga paa niya.”
Pero naging makatao lang si Enchong para daluhan pa rin ang biktimang si Marlon sa ospital. Binigyan niya ito ng dalawang tatlong libo at meron pang P700 na kung tutuusin, hindi siya kargo ni Enchong.
“Kung hindi po ako nagpakalalaki, hindi ko po kayo pupuntahan. Nagkataon na isang linggo rin akong na-dengue, pero meron akong inuutusan para alamin ang kalagayan n’yo!”
Hindi sa kinakampihan namin si Enchong, dahil parehong panig ang aming napanood. Panig ni Marlon sa Paparazzi at ni Enchong sa The Buzz.
Pero kung maprinsipyong tao ‘tong si Marlon at feeling niya talaga eh, malaki ang kasalanan ni Enchong, sana, hindi na lang siya tumanggap ng anumang tulong mula rito.
Tinutulungan naman pala, ba’t nagpapainterbyu pa?
Unless merong “honorarium” siyang tinanggap sa istasyong nag-interbyu sa kanya, maiintindihan namin.
Para saan ba ang pagpapainterbyu ni Marlon? Para ipagdikdikan na kasalanan ni Enchong ang nangyari o para sa mas malaking tulong na ibibigay sa kanya?
Gusto naming maawa kay Marlon, lalo na nu’ng ipakita ang kanyang pamilya at kabuhayan nila na siya lang pala ang inaasahan.
Pero kung hindi ka naman tinatalikuran ng isang taong naging biktima rin ng banggaan, ba’t mo kailangang sabihing magpakalalaki ‘yung tao?
Dapat, ikaw ang nagpakalalaki sa pag-amin na kasalanan mo rin kumbakit nahagip ang paa mo.
Sana nga, kahit gano’n pa ang ginawa ni Marlon kay Enchong, sana, suportahan pa rin siya ni Enchong at ‘wag itong magsawang suportahan siya.
FINAL NA ‘TO. Sa october 6 na talaga ang showing ng Petrang Kabayo, ang launching movie ni Vice Ganda under Viva Films.
Trailer pa lang, puro positive na ang naririnig namin, kaya sana, sa regular showing, super positive din ang attendance, hehehe.
TANONG NI KRIS Aquino sa isang contestant kahapon sa Pilipinas Win Na Win: “Kung ikaw ay mabubuhay ulit, mas gusto mo bang….”
Naalala namin ‘yung sa isang beauty pageant na ang tanong ng host: “Kung ikaw ay mabubuhay uli, kelan ka muna mamamatay?”
Alin ba ang mas tama?
‘Wag n’yong kalilimutang makinig sa “Wow! Ang Showbiiiz!” sa dwiz 882 sa inyong Am station at maririnig din sa www.dwiz882.com, 11-12 nn with Francis Simeon, Rommel Placente and Ms. F.
Oh My G!
by Ogie Diaz