ILANG TULOG na lang at Pasko na naman. Parang kailan lang ay nag-uumpisa pa lang ang taon. Marami man tayong mga matitinding pinagdaanang pagsubok ngayong 2013 ay huwag sana itong maging hadlang para ipagdiwang natin ang kapanganakan ni Hesus. Huwag nating kalilimutan na si Hesus ang talagang star ng Pasko at ng ating buhay.
Sabi nga nila, ang Pasko ay para sa mga bata. Naaalala ko noong ako ay bata pa sa amin sa Borongan, Eastern Samar. Nangangaroling kami ng aking mga kalaro tuwing sasapit ang gabi sa aming mga kapit-bahay gamit ang aming mga tambourine na gawa sa mga pinitpit na tansan at nilagyan ng wire sa gitna.
Kahit paulit-ulit na tumatawad ang aming mga kapitbahay ay wala pa rin kaming patawad sa pagkanta sa tapat ng kanilang bahay ng Jingle Bells, Joy to the World, at Silent Night. Excited ko namang nilalagay sa aking maliit na alkansiya ang mga natatanggap kong barya mula sa pangangaroling.
Napag-uusapan na rin lang ang Kapaskuhan sa mga nakaraang taon, hindi mawawala sa aking listahan ang panonood ko ng Home Alone na isa sa aking all-time favorite Yuletide films. Ang Home Alone ay pinagbibidahan ni Macaulay Culkin bilang si Kevin McCallister, an eight-year-old clever kid na hindi inaasahang naiwan sa kanilang bahay nang lumipad patungong Paris, France ang kanilang pamilya for a Christmas vacation. One of the most touching scenes in the movie is when his mother desperately tries to get a return flight to the US after she realizes na hindi nila kasama sa biyahe ang anak na si Kevin.
The movie brings to mind the importance of family. Sa aking palagay, may pera man o wala, may bagong damit man o wala, may sapatos man o wala, may regalong natanggap o wala, may masasarap na pagkain sa hapag-kainan o wala, ang talagang mahalaga ay ang magkakasama kayo ng buong pamilya sa pagdiriwang ng Pasko.
Sabi nga ng kantang Tuloy Na Tuloy Pa Rin Ang Pasko, “Ngunit kahit na anong mangyari, ang pag-ibig sana’y maghari. Sapat nang si Hesus ang kasama mo. Tuloy na tuloy pa rin ang Pasko.”
Maligayang Pasko!
Kaibigan, usap tayo muli!
Points of Boy
by Boy Abunda