NATURAL LANG naman siguro na lahat tayo ay mas gusto na bago ang mga kagamitan. Siyempre kung bago ang mga gamit, papasok na diyan ang mentalidad natin na “maganda ang quality, bago kasi” o “matibay ‘yan, bago kasi.” At hindi rin mawawala ang mga pride natin na ayaw bumili at gumamit ng mga second hand na gamit. Kung minsan binibitawan pa nga natin ang mga linyang “ayaw kong gamitin ang pinagsawaan ng iba.” Aba, ang taray ng mga bagets.
Pero paalala lang, hindi naman sa lahat ng pagkakataon ang mga second hand na gamit ay pinagsawaan ng unang may-ari. Puwede rin naman kasing ibinenta niya kasi nangangailangan siya ng pera; o puwede rin naman na binenta niya kasi may nagbigay na sa kanya ng parehas na kagamitan; o ‘di kaya binenta niya kasi may nakita siyang mas gusto niyang bilhin.
Kaya hayaan n’yo akong tanungin kayo, bakit ka pa bibili ng brand new na mga gamit kung makakikita ka naman ng second hand na parehas lang ang tibay at quality, hindi pa masakit sa bulsa?
Kaya, narito ang mga listahan ng mga kagamitan na sulit na sulit din naman kung bibilhin ng second hand.
1. Textbooks
Kailangan pa bang i-memorize ‘yan! Pag-rent, paghiram o pagbili ng second hand textbooks na nga siguro ang pinakamadali para makapagtipid ang mga bagets ngayon. Bakit ka pa bibili ng bago kung mayroon ka namang mga kaibigan sa upper batch na puwede mo makuhanan ng parehas na libro, discounted pa. Puwede mo pang samahan ng konting bola-bola, baka ibigay sa ‘yo nang libre pa.
2. Kotse
Sabi sa Investing Answers, ang brand new na sasakyan, kapag sinimulan mo nang ibiyahe, nawawala na agad ang limang porsyento na value nito. Paano pa kaya kapag limang taon na? Sabi rin nila matapos ang limang taon, 1/3 na lang ang halaga ng mga gamit na sasakyan. Hindi naman masamang maghangad ng bagong kotse siyempre nakadaragdag ng pogi points kung bago at mabango ang sasakyan. Kaya ikaw, call mo. Nasa sa ‘yo ang desisyon.
3. Cellphones
Ang mga brand ng cellphones, kada buwan naglalabas agad ng mga bagong produkto. Kaya nga minsang magtataka ka na lang para bang ang bilis maluma ng mga cellphones. Para bang kabibili mo lang, may latest version na agad na nai-release. Kung puwede na sa iyo ang bumili ng second hand phones, bumili ka sa trusted mo na, sa kamag-anak mo, sa kaibigan mo o basta sa kakilala mo. Kilatising mabuti ang cellphone na bibilhin. Kaya nga mas maganda sa kakilala mo ikaw bibili para may tiwala factor at matitingnan at puwede mo pang i-testing ang phones.
4. DVDs, CDs, Video Games
Alam n’yo ba ang NBA video game, isang laro lang, nagkakahalaga na ito ng halos mahigit dalawang libo? Kung iisipin, marahil ngayon balewala lang sa iyo ang presyo pero hindi rin magtatagal dahil isang laro lang naman iyon, pagsasawaan mo din agad ‘yan. Kaya mga second hand na lang ang bilhin, marami niyan pati rin mga CDs ng mga kanta at DVDs ng mga movies.
Sa huli, desisyon mo pa rin ang masusunod. Kung sulit ang second hand, bili na. Pero paalala lang, kilatisin munang mabuti para walang lugi.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo