PURING-PURI NI GLORIA Romero si Camille Prats kasi kahit kalilibing lang ng asawang si Anthony Linsa-ngan, nagawa na nitong humarap sa kame-ra para sa kanilang soap operang Munting Heredera.
Ayon kay Tita Gloria, napakabata mang nabalo ni Camille ay napakatapang naman nito. “Napakahirap nang pinagdadaanan ngayon ni Camille. Hindi ganu’n kadaling tanggapin ang mawalan ka ng asawa, pero she is very professional as in actress, kahit may problema siya lalo siyang guma-ling sa pag-arte. Bagay na bagay sa kanya ang role na Sandra sa aming soap opera,” pahayag ni Tita Gloria sa Pinoy Parazzi.
Ayon naman sa isang staff ng Munting Heredera, madalas daw na umiiyak si Camille at lagi itong tulala, pero kapag take na ay nagagawa raw umarte ng aktres nang higit pa sa kanilang inaakala. “Mararamdaman mong malungkot siya, pero eversince hindi siya nagpakita ng kahinaan ng loob. I mean ‘pag take, talagang umaarte siya sa kung anong role niya kaya nga siguro napakaganda ng aming ra-ting.”
Sa kabilang banda, ayaw nang magbigay-komento ni Camille sa kung ano ang kanyang nararamdaman at kung ano ang kanyang plano sa buhay matapos na sumakabilang buhay si Anthony. Basta isang linya lang ang pinakawalan ng aktres. Tuloy pa rin daw ang pag-ikot ng kanyang mundo. Hindi niya alam kung bukas pa ang kanyang puso sa salitang pagmamahal.
AYAW NA NI Whitney Tyson ang magpa-interview sa bahay nila sa ilalim ng tulay sa Pandacan. Feeling ng character actress, masyadong nagagamit na ang kahirapang kanyang pinagdaraanan. “Lahat na lang kasi ng interview ko, puro sa bahay naming. ‘Wag na, nakakasawa na, tama na.”
Ayon kay Whitney, ilang taon na rin siyang bakante sa showbiz. Mailap sa kanya ang raket kung kaya’t bagsak na bagsak ang kanyang kabuhayan, at sa katunayan ay ibang Whitney ang aming nabungaran nang una namin siyang makita sa kanyang lugar – naka-T-shirt, naka-tsinelas at nakatali lang ang buhok. Hindi agad namin siya namukhaan.
“Ganito talaga ako ‘pag nasa bahay lang. Ayokong makilala ako ng mga taong makakasalubong ko na ako si Whitney, mas maganda ‘yung ganito para makakilos ako, kung ano ang gusto ko,” na habang nagsasalita ang aming kausap ay tinapunan namin ng sulyap ang dala-dala niyang plastik. Laman niyon ang isang hinog na papaya at ilang pirasong saging.
“Hindi ko ikinahihiya, nangungutang ako ng paisa-isang kilong bigas o sardinas o kung anumang bagay pa man sa tindahan na malapit sa aming bahay. Pero sa awa naman ng Diyos, nababayaran ko iyon ‘pag kumikita ako. Minsan kasi, nakakapag show naman ako sa mga probi-probinsiya. At iyon sa ngayon ang ikinabubuhay ko.”
Sa kabilang banda, inamin ni Whitney na kahihiwalay lang niya sa long-time live-in partner. “Tomboy ang partner ko. Matagal din kami, pero feeling ko, kailangan kong makipaghiwalay na sa kanya kasi siyempre gusto kong magkaroon na ng totoong pamilya. Kaso ‘yung lalaking minahal ko, napaka-gago, niloloko lang pala ako. Kaya hayun, nakipag-hiwalay ulit ako. Pero hindi niya makukuha sa akin ‘yung binili kong tricycle.”
Tricycle boy kasi ang bagong pag-ibig ni Whitney. “Ang gagong iyon, wala akong kamalay-malay, may iba na pala siyang babae. Ginagamit-gamit lang niya ako,” durog-pusong sabi pa sa amin ng Negritang aktres.
Sabi ni Whitney, malupit sa kanya ang mundo. Wala na nga raw siyang raket, niloko pa siya ng lalaking minahal niya.
More Luck
by Morly Alinio