SA PRESSCON ng Nandito Ako na ipapalabas on February 20 pagkatapos ng Wil Time Big Time, kinumpirma ni Direk Mac Alejandre na pumirma na siya four-year exclusive contract sa TV5 pagkatapos ng halos 12 taon niya bilang direktor sa mga pelikula at shows ng GMA, kung saan huling dinirek niya rito ay Amaya.
Agad naming tinanong kung ano ang rason niya sa paglipat. Ayon kay Direk Mac, dalawa ang naging batayan niya sa ginawang pag-alis: una ay security at ikalawa ay growth. Ipinagtapat sa amin ni Direk Mac na sa loob pala ng 12 taon niya sa Kapuso Network, inalok lamang siya ng director’s contract nu’ng nakaraang taon lang, kum-para sa ibang direktor na may directo’rs contract sa GMA, may counter-offer ito sa kanya na maganda naman sa aspetong security pero naniniwala siya na mas marami siyang bagong magagawa sa nilipatang istasyon.
Nang tanungin namin kundi ba siya na-offend na in-offer-an ang iba na magkaroon ng director’s contract sa GMA, pero siya ay nu’ng nakaraang taon lang, siniguro sa amin ni Direk Mac na hindi siya na-offend, pero isa ito sa naging kunsiderasyon niya kung bakit siya lumipat.
Balita rin na dumalaw si Marian Rivera, malapit na kaibigan ni Direk Mac, sobrang ikinatuwa ng direktor ang ginawang pagdalaw ng isa sa malalapit na kaibigan sa GMA na tinuturing na rin na parang anak. Nangako naman ang aktres na magkikita silang dalawa, pero ‘di inasahan ni Direk Mac na agad-agad ito, kung saan dinalhan siya ni Marian ng paboritong pastries niya.
Bago pa man pumirma sa TV5 ay magka-text sila ng aktres, nalungkot man sa pag-alis sa GMA ay suportado naman ng aktres ang naging paglipat ni Direk Mac, kung saan nagbigay-pahayag ang direktor na nagbago lang siya ng network pero ‘di magbabago ang pagkakaibigan nila ni Marian.
Puring-puri ni Direk Mac ang buong casts ng Nandito Ako lalo na sina David Archuleta, Eula Caballero at Jasmin Curtis Smith. Para sa direktor ay masarap hawakan ang mga baguhang alam kung ano ang gusto nilang gawin sa career nila at nandu’n ang passion para ma-rating ang mga pangarap ng mga ito sa buhay. Kahit ito ang kauna-unahang serye ni David, puring-puri ni Direk Mac, hindi lang ang kabaitan at kababaang-loob ni David, kundi pinaghandaan pala nito ang role kung saan nag-workshop ang American Idol 7th runner-up sa Los Angeles, bago ito lumipad ng bansa para sa nasabing mini-serye.
KASAMA RIN sa casts ng Nandito Ako si Alwyn Uytingco na gaganap naman bilang matalik na kaibigan at confidante ni David Archuleta. Masayang-masaya dahil ‘di nawawalan ng trabaho sa TV5, sa loob ng tatlong taon as exclusive contract ng Kapatid Network, ‘di nabakante ang aktor at tuloy-tuloy siyang napapanood sa mga shows ng nasabing network.
Agad naming tinanong ang balitang nagkabalikan daw sila ng girlfriend na si Jennica Garcia. Klinaro naman sa amin ng young actor na never silang nag-break ng girlfriend at pinagtatakhan niya nga kung bakit ito kumalat dati. Aminadong dumaan sila sa stage na madalas ang kanilang mga argumaneto at pagtatalo, pero hindi ito nauwi sa break-up gaya ng nabalita.
Natutuwa rin sa sinabi ni Ms. Jean Garcia, ina ni Jennica, na boto na ito sa kanya, masaya si Alwyn na kung dati ay hindi siya masyadong gusto ng aktres para sa anak, ngayon ay maganda na ang ipinapakita sa kanilang dalawa, kung saan ayon kay Alwyn ay napatunayan na niya siguro rito na mahal at malinis talaga ang intensyon niya kay Jennica.
GUSTO NAMING i-congratulate ang buong casts, production crew, si Direk Enrico Santos at sila Maja Salvador, Xian Lim at Matteo Guidicelli dahil nasa 2nd week na ang My Cactus Heart. Magaganda ang reviews at feedbacks sa pelikula, kung saan marami ang naka-relate at kinilig sa nasabing pelikula na napatunayang may followers na talaga ang tambalang Maja-Matteo at maging si Xian.
Patunay lamang ito na patuloy ang ABS at Star Cinema sa pagtuklas at pagbibigay ng mga artistang mahuhusay, de-kalidad na mga pelikula at shows na tatangkilikin talaga ng publiko at manonood.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA