MAHIRAP NAMAN talaga ang tumatanggi sa grasya. Iyan ngayon ang nangyayari kay Anne Curtis. Ine-enjoy talaga niya ngayon ang magagandang nangyayari sa kanyang showbiz career, dahil alam niya sa kanyang sarili na sa ilang taon niya sa showbiz, ngayon lang bumuhos ang magandang suwerte. Ratsada siya ngayon sa telebisyon at pelikula, habang hindi man sinasadya ay kinagiliwan din ang kuwela niyang istilo ng pagkanta, kaya bongga siya ngayon!
Natutuwa si Anne kapag sinasabing siya na ngayon ang babaeng walang pahinga, dahil nga ang dami-dami niyang raket. Ang huling nagpapasaya sa kanya ay ‘yung pagkakaroon niya ng pagkakataon na makagawa ng independent film sa America. Mayroon ding lovelife si Anne na nagpapasaya sa kanya, lalo pa’t nagtatagal na nga ang relasyon nila ng kanyang boyfriend. Pero aminado siyang mas okey raw pala na hindi artista ang boyfriend niya, para hindi masyadong napag-uusapan, ‘di katulad nu’ng sila pa ni Sam Milby ang magkarelasyon.
Halata kay Anne ang pagpapahalaga at pagpapasalamat niya sa magandang takbo ng kanyang career ngayon. Marami na kasing nagbabago sa kanyang mga plano. Kung dati-rati, sa kanyang pagkainip nu’ng wala siyang masyadong raket ay sinasabi niyang baka mag-asawa na siyang bigla, ngayon ay hayagan na niyang sinasabi na baka hindi pa muna iyon mangyayari sa ngayon, dahil ang dami-dami pa talaga niyang trabaho.
NAKABIBILIB ANG muling pagsasama nina Governor Vilma Santos-Recto at Direk Chito S. Roño sa pelikulang The Healing ng Star Cinema dahil hindi naman ito ‘yung tipong minadali, pero natapos nila ang nasabing project nang mas mabilis kumpara sa mga dati nilang pinagsamahang trabaho. Nito kasing mapunta si Ate Vi sa lara-ngan ng pulitika ay sanay na ang kanyang mga tagahanga, na sa tuwing gagawa sila ni Direk Chito ng movie ay inaabot ng halos dalawang taon bago matapos at maipalabas.
Nasira ang hula ng mga nang-iintriga sa mommy ni Luis Manzano, na dahil daw mabagal nang gumawa ng pelikula ang Star for All Seasons ay baka hindi muna matapos at abutin pa nga ng dalawang taon bago maipalabas ang nasabing pelikula. Pero pinatunayan lang ni Ate Vi, na dahil kinakalampag na talaga siya ng kanyang mga taga-hanga na makatapos naman ng kahit isang pelikula para mapanood nila, tinupad niya ang kanyang sinabi na sa nalolooban ng taong ito hanggang sa January 2013 ay makakagawa talaga siya ng isang project, at ito na nga iyon.
Madaming tinatanggihang alok si Governor Vi dahil ang ikinatatakot niya ay baka mapasubo lang siya at hindi niya matapos ang tatanggaping project kung lagi siyang kailangan sa Batangas. Ngayong natapos na niya ang movie nila ni Kim Chiu, may posibilidad nang muli siyang tumanggap ng bagong project na muling aabangan ng kanyang mga tagahanga, para naman hindi siya intrigahin na iniiwan na talaga niya ang showbiz dahil mas enjoy na siya sa larangan ng pulitika.
ChorBA!
by Melchor Bautista