INULAN ng pamba-bash ang feng shui expert na si Master Hanz Cua dahil sa kanyang mga naging prediksyon para sa Year of the Metal Rat. Ang iba naman sa online community ay kinukwestyon ngayon ang kanyang credibility.
Matatandaan na noong December 2019, nagbigay ng prediksyon si Master Hanz for the year 2020 saying that it would be a “prosperous and a lucky year.” He explained that the Year of the Metal Rat would bring luck since most elements are present.
Unfortunately, hindi ganun ang nangyari dahil maraming tao sa buong mundo at maging sa Pilipinas ang nakaranas ng severe health and economic crisis due to the effects of covid-19 pandemic. The disease also causes fear and panic to the public.
Katwiran ni Cua, “Ang nangyari, no one prepared, no one predicted. Kung wala si COVID-19, magandang taon talaga. Eh, dumating si COVID, walang nakapaghanda.”
Paliwanag pa niya, “Maraming nagba-bash sa akin ngayon, ‘Nasaan ang prosperity?’ Alam mo, ang prosperity ay nasa bahay natin. Ang prosperity ay nasa mga kapamilya natin.”
Iginiit din ni Cua na “prosperous year” pa ring matatawag ang 2020 dahil sa pagkakaroon ng pamilya.
“For me, this is a very prosperous year dahil sa lahat ng wealth natin, mas importante pa rin ang pamilya. Aanhin natin ang wealth natin kung may sakit tayo, kung hiwa-hiwalay at ‘di magkasundo? Ang daming moment ngayon na nagpabago ng pananaw ng mga tao sa buhay,” katwiran pa niya.
Ayon pa kay Cua, naniniwala siya na makakabangon sa krisis ang bansa sa second half ng 2020.
Aniya, “Hindi pa tapos ang 2020. We are on the mid-year. We still have six months to go.
“This is temporary lamang. Matatapos din ito at pagkatapos nito, brace yourselves dahil mag-e-evolve tayo sa new beginning, new start, at lalo tayong lalakas ulit.
“Huwag tayong mapanghinaan ng loob, stay at home, keep safe, enjoy natin ang prosperity na meron tayo kasama ang ating pamilya.”
Kumambyo rin si Cua sa kanyang prediksyon na “prosperous and lucky year” ang 2020 nang aminin na napansin niya noon ang presence ng tinatawag na “illness star” sa 2020.
“Bago mag-start ang year, nakita ko na ang illness star natin is very strong. The illness star is a number two star, an earth element. This earth element is located sa south sector ngayong 2020. And the south sector is a fire element — so the fire element feeds the earth element. Ibig sabihin, ‘yung illness star ay lumakas,” paliwanag niya.
“Nagkaroon ng COVID — hindi ko mape-predict specifically na magkaka-COVID, pero na-predict ko na sa 2020, nasa south sector ang illness star,” dagdag pa ni Cua.
Nagbigay din ng suggestions si Cua para kontrahin ang negative energy at bad luck na dala ng “illness star” at home na kanyang sinasabi.
“Siyempre protection sa health at ng government kailangan mo ‘yun. Pero sa feng shui side, ang pinag-uusapan natin is to make sure na ang south side ng bahay niyo, maglagay kayo ng metal element. Lagyan mo ng asin na buo. Hindi puwedeng iodized salt, kailangang buo, like rock salt,” pahayag niya.
Patuloy niya, “Tumayo ka sa bahay niyo, gamitin mo ang cellphone mo, gamitin mo ang application na compass at hanapin mo ang south. Huwag kang matutulog with the headboard on the south. Huwag kang matutulog sa south sector, mae-enhance mo ‘yung illness star.
“Number three, make sure mo sa south sector mo, huwag kang maglalagay ng ilaw. Dapat walang fire, walang red color sa south sector. Kung may nakakabit, tanggalin mo or huwag mong bubuksan. Dapat walang kuryente sa south sector. Paano kung doon ka nanonood ng TV? Ilipat mo ‘yung TV mo o kaya mag-phone ka na lang muna. Huwag ka munang manood ng TV sa south sector.”
At katulad ng palagi niyang sinasabi sa morning program na Umagang Kay Ganda sa ABS-CBN, “Ito po ay forecast, prediksiyon, gabay lamang. Nasa inyo pong mga kamay nakasalalay ang inyong tagumpay.”