ANO BA ‘yan?! Hindi na raw matutuloy ang pagbili ng TV5 sa GMA-7? Nakakaloka, ha! Katsikahan ko pa naman si Papa Manny Pangilinan at nakikita namang pursigido siyang bilhin ang GMA-7 at type ko siyempre!
Kung natuloy kasi ang bilihan, ibig sabihin mas lalawak ang raket ko, ‘no! Hindi lang ako sa GMA-7 makakaraket, kundi pati na rin sa TV5.
Pati ang mga alaga kong artista, makakaraket na rin sana sa dalawang istasyon, ‘di mas bongga sana.
Pero ang balitang lumabas kahapon, naglabas na raw ng statement ang MediaQuest Holdings, Inc. na siyang nakikipag-negotiate ng bilihan, hindi na nga raw nagkasundo sa terms and conditions.
May narinig pa akong kuwento pero mahirap nang i-share dahil tsismis lang naman ‘yun.
Sabi naman ni Atty. Felipe Gozon, hindi naman daw presyo ang dahilan nang ‘di pagkakasundo. Pero open naman daw sila sa posibilidad na makipag-negotiate uli sa kung sino mang interesadong bilhin ang naturang istasyon.
So tuloy pa rin ang network war niyan? Hay, naku ewan ko na lang!
SINCE HINDI na nga nag-renew si Lorna Tolentino ng kontrata niya sa TV5, sa GMA-7 na ito pipirma at magkakaroon na ng contract signing sa susunod na linggo.
Meron pa raw pinaghahandaang welcome kay Lorna sa Party Pilipinas na gagawin yata sa susunod na Linggo.
Dapat nga ay magsisimula na si Lorna na mag-taping ng Haram, pero ‘yun na nga ang nangyari kaya pinag-iisipan pa kung ano ang magandang drama series na gagawin nito.
Tuloy pa rin daw ang pagsama niya sa bagong tandem nina Dingdong Dantes at Kylie Padilla. Nanghinayang nga siya sa Haram dahil maganda pa naman ang kuwento at madrama talaga.
Pero ipinaliwanag na nga sa kanila ng production staff pati ng mga researcher na ang iba pa nga ay Muslim na mahirap daw talaga ituloy nila dahil sa may mga ilan pa ring nagbabanta nang ‘di maganda sa kanila.
Nakapag-taping na pala ng two days ang Haram, at doon pa sa Quiapo, pero may ilang umaali-aligid daw sa kanila na ikinatakot ng mga staff at ilang artista, kaya minabuti nilang i-shelve na lang.
Sana nga magkaroon na sila ng magandang kuwentong ipapalit dito sa Haram.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis