HOT ISSUE ngayon ang Twitter. Lalo na nu’ng inisa-isang sagutin ni Megastar Sharon Cuneta ang kanyang mga bashers na hindi na dapat pang pinatulan, dahil lalo lang siyang nahuhusgahan.
Pero sabi nga ni Megastar sa isang interbyu, hindi dahilan ‘yon para i-delete na niya ang kanyang Twitter account, dahil ang katwiran niya, ‘pag tinatapakan na ang kanyang pagkatao, kailangan lang niyang sumagot.
Saka ‘yun lang daw ang kanyang tulay ng pakikipagkomunikasyon sa kanyang mga tagahanga so ba’t kailangan niyang isara?
Oo nga naman.
Pero feeling namin, ‘pag tumagal-tagal pa si Mega sa paggamit ng Twitter, matututo na rin siyang imbes na patulan pa ang mga haters at bashers ay lihim na lang niyang iba-block ito.
After all, account mo ‘yan at ikaw ang batas ng iyong Twitter account.
SI DAWN Zulueta ay kahit anong pilit na mag-open ng sariling Twitter account ay ayaw niya talaga. Makikibasa na lang daw siya. Nasa-shock nga si Dawn, dahil kahit sino raw ay puwede nang maging paparazzi.
“Grabe ngayon, just like what I saw in Twitter, ‘yung celebrity, nagpa-picture sa kanya ‘yung mga fans, pero na-kayuko siya at nagte-text. Sa picture pa lang, puwede na siyang husgahan ng mga tao.
“Imagine, kahit privacy mo, wala na, dahil kahit anong gawin mo, iugali mo, in just one tweet, malalaman na ng public.”
Kaya si Dawn, “Makikibasa na lang ako ng Twitter nang may Twitter. Hahaha!”
ANG PAGSULPOT ng social media ay threat din sa mga manunulat ng diyaryo o tabloid. Kasi ba naman, kahit sino’y puwede nang maging blogger basta marunong magsulat, ke me sense o wala ang sinusulat sa blog basta pumupukaw ng atensiyon ng isang nakaharap sa internet, parang epidemyang kakalat ‘yon sa publiko.
Sa mga presscons ngayon, iniimbita na rin ang mga bloggers. Kunwari, ang iniimbita-hang writing press ay 100, nagiging 80 na lang ‘yon ngayon, dahil ‘yung 20 ay nakareserba sa mga bloggers.
Online dyaryo kung tawagin ‘yon. Wala kang editor kungdi ang sarili mo lang. At hanggang ngayon ay wala pang cyber law, kaya rito mas nararamdaman ang kalayaan sa pagsusulat.
Tulad na lang ng isang presscon na inatenan ko (since invited naman ako). Hindi namin kilala ‘yung iba, hanggang sa may nakapagsabi sa amin na mga bloggers ang grupo na ‘yon.
Sabi nga namin sa aming sarili, “Juice ko, ‘eto na ang mga kakumpitensiya ng mga dyarista, ang mga online writers. Na ang nakakalokah pa, ‘yung iba’y may ere na agad, huh!
Kaya kung iniisnab mo ang technology at gusto mong manatili sa nakagisnan mo, nako, ‘wag. Kailangang sumabay sa agos. Kung may uso, kailangang matutunan para pagdating sa kuwentuhan o isyu, hindi ka maging tanga.
Me blogsite nga kami, eh. (‘yung www.ogiediaz.blogspot.com), hindi lang namin masyadong naaasikaso, dahil puyatan lagi sa taping.
Pero ‘di bale, meron naman kaming www.facebook.com/vibestayo na isang webcast o ang tawag ay online radio. Sini-mulan na namin ito, dahil alam naming parang kabute na namang magsusulputan ang ganitong klase ng media.
Oh My G!
by Ogie Diaz