HINDI GANU’N kakumpirmado pero may nagbulong sa amin na kasal na raw talaga sina Luis Manzano at Jennylyn Mercado. Totoo raw ang naunang balitang inilabas na nagpakasal na ito sa Batangas sa isa sa mga close na mayor ng nasabing lalawigan.
Pinagtatawanan lang nina Luis at Jennylyn ang issue, pero obvious na apektado ang dalawa dahil sa tuwing itatanong sa mga ito ang tungkol sa issue, parang may iniiwasang hindi mo maintindihan.
Sa kabilang banda, hindi naman tutol ang Star For All Seasons na si Vilma Santos kung sakaling kasal na nga ang dalawa dahil alam ng beteranang aktres na nasa mabuting kamay ang kanyang anak. “Nagmamahalan sila kaya wala tayong magagawa du’n at hindi na naman bata si Luis para tutulan natin siya sa kung anuman ang kanyang gusto. At kung saan magiging masaya siya ay masaya na rin ako para sa kanya.”
FOR THE first time ay nominado si Nora Aunor sa pagka-best supporting actress sa darating na Metro Manila Film Festival. At ayon sa Superstar, masaya siya dahil ito ang unang nominasyon ng pagka-best supporting actress mula nang pumasok siya sa showbiz.
“Ngayon lang po ako naging nominado para sa pagka-best supporting actress, kaya siyempre mas doble ang excitement ko,” sabi ng Superstar.
Dalawang nominasyon ang ibinigay kay Nora Aunor para sa darating na Metro Manila Film Festival, ang best actress para sa pelikulang Thy Womb at best supporting actress para naman sa El Presidente. Pero kalabisan nang sabihing mas gusto palang manalo ni Mama Guy ng Best Supporting Actress.
Sa darating na MMFF ay sa Thy Womb na float sasakay ang Superstar at naiintindihan naman ni Governor ER Ejercito ang sitwasyon ni Nora.
“Tama lang na sa Thy Womb siya sumakay dahil movie niya iyon,” pahayag ni Gov. ER.
MAGANDA ANG nakaraang Star Awards For Television ng PMPC. Kaya lang ay obvious na ang dumarating na artista, kundi host ay winner na sa nasabing taunang award-giving body. Na ang ibig sabihin, hindi dumarating ang artistang nominado kung hindi sila nakatitiyak ng kanilang pagka-panalo.
Sa loob ng halos dalawang dekada namin sa showbiz, napapansin namin na habang tumatagal ay nagiging ugali na ng mga artista ang hindi sumipot sa sandaling hindi sila nakasisigurong wagi. Unlike sa mga international awards night, obligadong dumalo ang mga nominado.
Nitong nakaraang Star Awards, halos konti lang ang mga artistang dumating, at halos lahat ng dumalo ay nakatanggap ng tropeo. Kaya nga bulong sa amin ng isang miyembro nang sabay-sabay na dumating sina Nora Aunor, Helen Gamboa at Dawn Zulueta, may magta-tie daw na siya namang nangyari. Nag-tie nga sina Nora at Helen para sa pagka-Best Actress samantalang hati rin sa rekognisyon bilang Best Comedy Actress sina Ruffa Mae Quinto at Pokwang.
Halos matanggal ang panga sa pagkatigagal ng ilang miyembro ng PMPC nang muntik nang hindi mabasa ni Gerald Anderson ang pangalan ni Mama Guy bilang kahati ni Helen sa pagka-Best Actress. Kaya nakahinga lang sila nang maluwag nang maihabol ni Gerald ang pangalan ng Superstar.
Sa kabuuan, maganda ang Star Awards ngayon at hindi kaduda-duda ang winners nila kumpara sa nakaraan nilang Star Awards for Music.
More Luck
by Morly Alinio