ANG BINITAWANG mga kataga ni PNoy sa kanyang talumpati, bilang pambungad na pananalita sa pagbubukas ng pagpupulong ng mga gabinete, partikular sa pagdepensa ng Palasyo kay Budget Secretary Florencio “Butch” Abad at sa tahasang hindi pagtanggap ng resignation nito noong nakaraang linggo, kaugnay ang kontrobersya ng pagiging “unconstitutional” ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ay isang pagtataksil sa Saligang Batas ng Pilipinas at sa kaluluwa ng demokrasya sa ating bayan.
Ang sabi ni Pangulong Aquino sa kanyang talumpati ay hindi niya matanggap na ang isang “mabuting gawa” ay “maling gawa” para sa mga tao. Maaaring hindi saktong maipahayag ng aking pang-unawa ang mensaheng ito ng Pangulo sa kanyang gabinete at sambayanang Pilipino, ngunit ang esenyal na punto nito ay gagap at maliwanag pa sa sikat ng araw.
Sa madalit sabi ay sinasabi ng Pangulo na ang itinuturing ng mga tao, sambayanang Pilipino, at lipunang ating ginagalawan na “mali” ay hindi nangangahulugang tama para sa kanya. Kung ganito ang ugnayan ng Pangulo at ng mamamayang kanyang pinangunguluhan ay ano ang mga implikasyon nito sa ating lipunan?
SINO BA ang magsasabi na ang isang gawa ay mali? Ang usapang pagkatama o mali ng isang gawa ay isang diskusyong moral o etikal. Ang pagiging moral at etikal ng isang gawa ay maraming lebel, salik at aspeto. Ang mga batayan din kung ito ay moral o hindi moral ay nakasandal sa uri ng lebel nito, mga salik na nagbibigay kahulugan dito at aspetong pinanggagalingan ng pagpapakahulugan dito.
Kapag sinabi nating “lebel ng etika”, ito ay tumutukoy sa pagiging personal ng etika o grupo. Ang pamantayang ginagamit sa personal ay iba sa grupo. Kadalasan ay relihiyon ang nagsasabi sa isang tao kung tama ang gawa nito bilang personal na etika. Ang grupong gawa naman ay kadalasang ginagabayan ng isang batas, gaya ng isinasaad ng ating Saligang Batas.
Ang mga salik na tinitingnan ay ang mga konsepto gaya ng mga benepisyo na nakukuha sa gawa, katarungan ng gawa at popularidad nito. Ang aspeto namang kinukunsidera ay ang pinanggagalingan ng paghuhusga kung ang gawa ay tama o mali, gaya nang kung ang paghuhusga ay galing sa Diyos o sa makapangyarihang tao o sa pamahalaan.
ANG PAGIGING tama o mali ng DAP ay maliwanag na hindi personal na etika kundi grupo. Grupo kasi teknikal ito at nasasaad sa batas ang kamalian nito kung hindi ito umaayon sa sinasabi ng batas. Ang salik naman na binibigyang-bigat sa isyung ito ng DAP ay nasa katamaan bilang sumasalamin sa ginugusto ng marami o popularidad nito sa sambayanan. At ang aspetong kinapapalooban ng isyu ng DAP ay isang paghuhusga na hindi nagmumula sa Diyos, kundi sa pamahalaan.
Hindi maaaring mangibabaw ang personal na pagpili o pagtangi ng Pangulo sa kung ano ang tama laban sa sinasabi ng tao. Ang prinsipyong demokrasya ang nagluklok kay PNoy sa pagkapangulo, kaya naman dapat ay prinsipyong demokrasya rin ang gagabay sa kanya sa kung paano niya bibigyang kahulugan ang “tama” o “mali”. Wala si PNoy sa kapangyarihan bilang isang pangulo kung hindi sinabi ng mga tao na “tama” na maging pangulo ito. Isang kalapastanganan na sabihing hindi mo matanggap na ang itinuturing ng mga tao na “tama” ay “mali” sa ‘yo o ang “mali” ay “tama” sa iyo kung ikaw ang Pangulo.
Ang salik na nagsasabing “mali” ang ginawa ni Abad hinggil sa DAP ay ang popularidad ng kamalian nito na sumasalamin sa tunay na kaluluwa ng demokrasya. Sa isang demokratikong sistemang lipunan, ang popularidad ng kamalian ng isang gawa ang nagdedetermina kung ito nga ay “mali”. Hindi isang tao o pangulo, hindi iilang mga tao o aristokratiko, kundi ang mga tao o mayoridad sa lipunan. Walang karapatan ang isang presidente na sabihing mali ang sinasabi ng nakararaming mamamayaan at tama ang sa kanya!
ANG USAPING pagtatanggol kay Abad at pagsasabing “mali” ang mga mamamayan at “tama” ang pangulo ay taliwas sa aspeto ng demokrasya bilang batayan ng pinagagalingan ng kapangyarihan at paghuhusga. Nasa sa pamahalaan ang paghuhusga at ang pamahalaang demokrasya ay hindi ang pangulo o mga gabinete nito, kundi ang mga mamamayan. Ang pamahalaang demokratiko ay “for the people” o para sa taong bayan, “by the people” o gawa ng taong bayan, at “of the peole” o galing sa taong bayan.
Ang taong bayan ang may tanging karapatan para sabihin at maghusga kung ano ang “tama” at “mali” sa sistemang politikal ng demokratikong pamahalaan. Kung ang pangulo ay may taliwas na saloobin sa taong bayan kung ano ang “tama” at “mali” sa lipunang ito, nangangahulugan na nilalapastangan nito ang prinsipyong demokrasya at kasagraduhan ng saloobin ng mga mamamayan.
Dito na lumabas ang tunay na kulay ni PNoy. Hindi tunay na makamamamayan ang Pangulo at isang pagpapakitang-tao lamang ang sinasabi niyang ang tao ang “boss” niya. Kung tunay at tapat siya sa paglilingkod sa tao at ang mga mamamayan ang “boss” niya, dapat ay hindi niya tinatalikuran ang saloobin ng mga mamamayang Pilipino.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napapanood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napapanood din ang inyong lingkod sa T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 ng tanghali.
Para sa inyong mga sumbong, magtext sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo