ANG TANONG na “kailangan bang ipasa sa Kongreso ang Bangsamoro Basic Law (BBL) upang maging batas” na siguro ang pinakamainit at kritikal na tanong na dapat sagutin ngayon. Seryoso kasi ang mga implikasyon nito sa ating lipunan at bansa. Hindi gaya ng mga naunang pagtatangka ng pamahalaan na bigyang tutok ang mga kapatid nating Muslim sa Mindanao, gaya ng pagkakatatag ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ang BBL ay isang pagsasa-batas ng mga kasunduan at magiging bahagi na ito ng pinakamataas na daluyan ng batas sa bansa, ang Saligang Batas ng Pilipinas.
Ang mga kasunduan sa loob ng BBL ay magiging basehan ng mga gagawing batas ukol dito para sa hinaharap na panahon. Kaya naman napakahalaga na maging pulido, patas at matiyak na hindi maaabuso ang mga probisyon ng BBL. Hindi rin naman lingid sa ating kaalaman ang nangyari sa ARMM. Inabuso lamang ito ng mga taong pinagkatiwalaan ng pamahalaan. Nagkaroon ito ng mga isyu ng nakawan at ang dating mga pinuno nito ay pinaghahanap ngayon ng batas.
Sa takbo ng mga pangyayari sa ating lipunan kung saan ay nakaapekto nang malaki ang nangyari sa Mamasapano, naging malaking katanungan sa lahat kung dapat nga bang maisabatas ang BBL. Maging ang mga dating sumusuporta na mambabatas gaya ni House Speaker Sonny Belmonte ay nagpapahiwatig na kinakailangan ang pag-amyenda sa BBL, taliwas sa kahilingan ng MILF. Hindi rin naging paborable sa pulso ng bayan ang tila naging pahapyaw na pananakot ng MILF na hindi matatapos ang gulo sa Mindanao kung hindi maisasabatas ang BBL nang hindi pakikialamanan ang mga nagawa nang probisyon sa loob nito.
ANG PINAKA-KRITIKAL na katanungan sa BBL ay ang mala-“estado” na porma nito. Mayroon kasing sariling mga kawani ang lokal na pamahalaan nito na katulad ng sa ating pamahalaan. Halimbawa ay bukod sa pagkakaroon ng Bangsamoro ng sarili nilang mga pulis at military, may sarili rin silang Commission on Audit (COA). Bakit kailangan nilang magkaroon ng independent na kawani ng lokal na pamahalaang Bangsamoro? Kung matutuloy ang ganitong sistema ay hindi mauusisa ng COA ng sentral na pamahalaan kung saan napunta at paano ginastos ang pondong ilalagay sa Bangsamoro.
Malaking pondo ang kukunin sa National Budget na aabot sa bilyun-bilyong piso para sa Bangsamoro taun-taon. Kung magkakaroon ng sariling COA ang Bangsamoro ay mawawalan ng balanse at kontrol ang pamahalaan sa perang ibibigay sa BBL. Ang ARMM ay hindi nagtagumpay dahil hindi rin nagamit sa tama ang pondong inilaan ng pamahalaan dito. Nagpatuloy ang kahirapan sa mga lugar na sakop ng ARMM. Walang mga paaralan na naitayo, walang kabuhayan at mamumuhunang tumaya sa ekonomiya ng lugar, at nagpatuloy ang ibang mga armadong grupo, na nagresulta sa kawalang katahimikan sa ARMM.
Maging ang pagkakaroon nila ng sariling mga pulis at sundalo ay tila nakababahala rin. Kung sa sitwasyon na sila’y mga armadong grupo lamang ay hindi naging madaling kontrolin ang puwersang ito, lalo nang magiging mahirap sa Arm Forces of the Philippines ang pag-apula rito kung sakaling magtangka silang tuluyang humiwalay sa Pilipinas.
MASASABING EKSPERIMENTAL pa rin ang Bangsamoro kaya maraming mga bagay pa ang maaaring mangyari pagkatapos maisabatas ang BBL. Nakababahala na tila sa pangkasalukuyang sitwasyon ay nasa bansang Malaysia ang katapatan at lubos na pakikiisa ng MILF. Hindi malayo ang sinasabi ng ilang mga politikal analyst na hindi maglalaon ay hihiwalay ang Bangsamoro sa Pilipinas sa ilalim ng suporta ng bansang Malaysia. Kung mayroong sariling sandatahang lakas ang Bangsamoro ay hindi malayo ang posibidad na ito.
May bigat ang mga argumento ng ilang mga senador at kongresista sa pagsasabi na masyadong pumapabor sa Bangsamoro ang BBL. Kumbaga ay lyamadong-lyamado ito at dehado naman ang gobyernong Pilipinas. Tila yata binigay ng peace panel group ng pamahalaan ang lahat ng luho sa MILF para lamang makabuo ng BBL. Maling-mali naman ang ganitong kalakaran kung sakaling totoong nagsunud-sunuran lamang ang representante ng pamahalaan sa mga gusto ng MILF at Malaysia sa pagbuo ng BBL.
Ang pagiging taliwas ng BBL sa porma ng ating pamahalaan sa ilalim ng 1987 Constitution ang pinakamabigat na bagahe ng BBL. Marami nang mga abogado, retiradong mga justices at eksperto sa batas ang nakakita ng butas na ito ng BBL. Sa porma ng BBL bilang isang autonomous region, tila sobra ang pagiging independent nito na aabot sa puntong nagpopormang isang estado na ang Bangsamoro.
SA ILALIM ng “presidential system” na porma ng ating pamahalaan ayon sa 1987 Constitution, ang gobyerno ay may tinawag na “central power”. Isang “Unitary government” ang pamahalaan ng Pilipinas na may direktang kontrol at kapangyarihan sa lahat ng rehiyon nito. Sa porma ng BBL ay tila pinagkakalooban ng pamahalaan ang Bangsamoro ng kapangyarihan ng isang estado kung saan ay nawawala ang sentrong kapangyarihan at kontrol mula sa gobyerno ng Pilipinas.
Sa sistemang ito ay nag-aastang “federal” ang pamahalaang Pilipinas. Isang direktang paglabag ito sa Saligang Batas. Dito lubos na masusubok ang BBL, lalo’t kung iaakyat ito sa Korte Suprema.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 NewsFM at AksyonTV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-8788536 at 0917-7926833.
Shooting Range
Raffy Tulfo