Narito Ang ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Pakitawag naman po ang pansin ng mga pulis dito sa Station 2 ng Tondo. Bantayan naman po sana nila ang mga eskuwelahan tulad ng Gregorio Perfecto High School at Hizon Elementary School lalo na kapag uwian sa gabi. Dahil napakarami pong outsider na inaabangan ang mga estudyante na kundi nambubugbog ay nang-aagaw ng cellphone ng mga estudyante. Sana po ay matugunan ito dahil marami na pong natatakot na bata.
- Isusumbong ko lang po sa inyo na marami na po ang muntik masagasaan sa intersection ng Palapala Dasmariñas, Cavite, iyong papunta pong SM at Robinsons. Wala po kasing footbridge doon. Sana po ay magawan ng paraan ng munisipyo para hindi delikado sa mga tao.
- Pakikalampag naman po ang Lagonoy Cabotonan Elementary School sa Camarines Norte dahil minsan tulog ang teacher kahit oras na ng klase. Minsan naman daw ay nakikipagkuwentuhan pa imbes na nagtuturo na dapat.
- Hihingi lang po sana ng tulong tungkol sa sahod namin na hindi naibigay ng DSWD. Mahigit dalawang buwan na pong hindi naibibigay, lagi na lang nilang sinasabing maghintay-hintay lang daw. Cash for work po ito sa Davao del Norte.
- Pakikalampag naman po ang mga kinauukulan dito sa aming lugar dahil dalawang linggo na pong hindi hinahakot ang basura rito sa San Antonio, San Pedro, Laguna. Namamaho na kasi ang nakatambak na basura sa kalye. Dati po ay hinahakot pero ngayon hindi na. Sabi ng barangay, kami raw ang maghakot doon sa malayo tapos doon nila hahakutin ng truck. Sana po ay matulungan ninyo kami.
- Tulungan n’yo po kami sa problema namin sa langaw rito sa Centro Norte, Gattaran, Cagayan Valley. Matagal na naming inirereklamo ito sa munisipyo namin, taon na pero wala pa ring aksyon.
- Concern ko lang po ang mga traffic enforcer ng Bayambang dahil mula pa noong November hanggang ngayon ay wala pang sahod. Baka puwede n’yo po silang tulungan.
- Hihingi po sana kami ng tulong na malagyan ng humps ang aming kalsada dahil palagi na lang pong may nababanggang mga bata kasi mabibilis magpatakbo ng sasakyan ang mga motorista. Dito po ito sa San Miguel St., Noveleta, Cavite.
- Reklamo lang po ang walang katapusan na sinisingil ng PTA na kapag hindi raw po nakapagbayad ng P130.00 ay hindi maisasama sa graduation. Sana po ay matigil na ang ganitong sistema.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo