ANO KAYANG klaseng maligno ang sumasanib kay Department of Agriculture Secretary Proceso Alcala at parang paborito niyang pagdiskitahan ang mga magsasaka?
Kamakailan, inanunsyo ni Alcala ang plano ng ating gobyerno na mag-import ng 187,000 metric tons na bigas para sa second quarter ng taong ito. Alam naman ni Alcala na marami nang magsasaka ang umiiyak sa labis na pagkakalugi dahil hindi nila kayang sabayan ang napakamurang presyo ng imported rice na kumakalat ngayon sa merkado.
Huwag nang dagdagan ni Alcala ang matinding sama ng loob na nararamdaman ngayon ng mga rice farmer. Sa halip, dapat mag-isip siya ng mga paraan para matulu-ngan sila. At pangunahin dito ay ang bigyan sila ng sapat na suporta mula sa gobyerno para makapagtanim nang maayos at maging masagana ang kanilang ani.
Ito ay matagal nang ginagawa ng ibang mga bansa sa kanilang mga magsasaka tulad ng Vietnam, Thailand at China kung saan nanggagaling ang mga bigas na ini-import ng Pilipinas.
Masakit mang isipin, pero ilang dekada na ang nakararaan – panahon ng rehimeng Marcos – nag-aral sa Pilipinas ang mga government agriculturist ng ilang bansa sa Asya, at tinuruan natin sila ng kaalaman tungkol sa mga semilya ng palay at tamang pamamaraan ng pagtanim nito.
Tayo ang nagturo sa kanila, pero tayo pa ngayon ang bumibili ng bigas sa kanila – dahil marami silang bigas at mura nila itong ibinebenta. Sa muli, ito ay dahil buhos ang mga insentibo at iba’t ibang klaseng suporta na ibinibigay ng nasabing mga bansa sa kanilang mga magsasaka hindi tulad sa atin na halos wala.
Hindi na nga nagbibigay ng tamang suporta ang ating gobyerno sa ating mga rice farmer, may gana pa itong si Alcala na gipitin sila sa pamamagitan ng pag-angkat pa ng mga murang bigas na mas lalong ikababangkarote ng marami pa nating mga naghihikahos nang magsasaka.
Baka kailangan ni Alcala ng isang albularyo para tabuyin ang mga masasamang maligno na sumasanib dito – kung mayroon man.
ITO NAMANG si Trade Secretary Gregory Domingo ay pinag-OJT (on-the-job training) man lang sana sa mga kababayan natin sa Payatas, Quezon City bago siya binigyan ng puwesto para malaman niya ang kahulugan ng tunay na kahirapan sa ating bayan.
Kamakailan kasi, animo’y may mga kiti-kiti sa puwet itong si Domingo at halos malundag-lundag sa pagmamayabang nang ibalita niya ang tungkol sa pagbigay ng upgrade sa bagong credit rating ng Pilipinas ng Standard and Poor’s Ratings Services (S&P).
Kasunod ng pagmamayabang ni Domingo sa bagong S&P ratings upgrade ng bansa, sinabi niyang dumarami raw kasi ang mga trabaho kaya gumaganda ang ating ekonomiya at naiibsan na ang kahirapan.
Bakit hindi subukang pumasyal ni Domingo sa Payatas para makita niya ang daan-daang pamilya na ang ikina-
bubuhay ay ang pagkakalkal ng mga basura at ang tirahan nila ay gawa sa mga materyales mula sa basura?
Baka nakakalimutan na ni Domingo na ang mga remittance ng mga OFW at turismo ang siyang dahilan kung bakit nakapagsu-survive pa rin ang ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng pagkakabagsak ng ekonomiya ng ilang bansa, at hindi dahil sa ating pangulo at sa mga alipores nito tulad niya.
Hangga’t walang pagbabago sa pamumuhay ng mga naghihikahos nating kababayan sa Payatas at sa iba pang parte ng bansa tulad nito – pati na sa sitwasyon ng informal settlers, huwag magmayabang ang ating gobyerno.
Shooting Range
Raffy Tulfo