Dear Atty. Acosta,
MAYROON PONG affidavit ang aking nanay na kailangang ibigay sa punong tanggapan ng SSS. Ano po ba ang dapat kong dalhin kapag pina-notaryo ko ito? Tanging sedula lamang po niya ang iniwan niya sa akin bago siya umuwi sa probinsiya. P’wede na po ba ito?
Jose
Dear Jose,
UNA SA lahat, hindi ka maaaring magpa-notaryo ng affidavit o ng anumang dokumento kung saan ang iyong nanay ang nakalagda. Ang pagpapa-notaryo ng affidavit o ng kahit anong dokumento ay isang personal na gawain na kailangang isagawa ng sinumang may-akda at nakalagda sa isang dokumento sa pamamagitan ng pagpapakita sa harap ng isang notaryo publiko at pagsasaad dito na ang kanyang mga isinalaysay sa kanyang affidavit o dokumento ay pawang mga katotohanan lamang at malaya at boluntaryo niyang inilagay ang kanyang lagda rito.
Kinakailangang personal siyang kakilala ng notaryo publiko o maipakikita niya rito ang tinatawag na competent evidence of identity ayon sa Rule II, Section 12 ng 2004 Rules on Notarial Practice:
Section 12. Competent Evidence of Identity. – The phrase “competent evidence of identity” refers to the identification of an individual based on: (a) at least one current identification document issued by an official agency bearing the photograph and signature of the individual; or (b) the oath or affirmation of one credible witness privy to the instrument, document or transaction who is personally known to the notary public and who personally knows the individual, or of two credible witnesses neither of whom is privy to the instrument, document or transaction who each personally knows the individual and shows to the notary public documentary identification.
Samakatuwid, tanging ang nanay mo lamang ang makapagoapa-notaryo ng kanyang affidavit dahil tanging siya lamang ang makapagpapanumpa ng katotohanan ng mga nakasaad dito. Dahil siya ay nasa probinsya na, kailangan niyang ipa-notaryo ang kanyang affidavit sa pinakamalapit na notaryo publiko sa inyong lugar.
Hindi rin sapat na pagkakalinlan ang sedula dahil wala itong litrato o larawan. Maaaring magpakita sa notaryo publiko ng alinman sa mga sumusunod na pagkakalinlan na nagtataglay ng kanyang litrato at lagda: GSIS ID, SSS ID, BIR ID, Postal ID, passport, PRC ID, Voter’s ID, Senior Citizens ID at iba pang government ID. Kapag naipa-notaryo na ng iyong nanay ang kanyang affidavit, maaari na niya itong ipadala sa iyo upang maibigay sa punong tanggapan ng SSS.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta