ANG KAPATID KO po ay anim na buwang nagtrabaho sa Kuwait bilang DH. Ngunit ngayo’y nasa Filipino Workers Resource Center siya roon dahil tumakas daw siya sa abusado niyang amo. Halos 200 daw po silang stranded doon. Ano po ang nangyari sa lakad ni VP Binay sa Kuwait? May resulta po ba?
—Jeremy ng San Fernando, Camarines Sur
MATINDI ANG KAGANAPAN d’yan sa Kuwait. May “giyera” ngayon d’yan. Ang labanan ay sa pagitan ng mga OFW at mga employer nila. At hindi namin malaman kung sino ang kinakampihan ng mga opisyales natin d’yan ng DFA at DOLE.
Kamakailan, isang DH na nagngangalang Luzel Ramos Rebuyan ang nag-50-50 sa ospital dahil nahulog siya mula third floor ng kanyang pinagtatrabahuhan. Nasa kritikal na kundisyon siya sa ospital. Diumano, matagal na siyang inaabuso ng kanyang amo kaya nagtali siya ng tela na ginawang kapitan para makatakas. Sa kasawiang palad, nalagot ito at siya ay nadisgrasya. Pangalawa na niyang amo ito dahil nauna na siyang tumakas sa kanyang unang amo at nang magsumbong siya sa konsulada ng Pilipinas doon, siya ay ipinasok sa panibagong abusadong employer.
‘Pag galing niya, malamang isasama siya sa daan-daan pang mga DH na nakahimpil sa resource center doon na naghihintay makauwi rito. At ang sitwasyon ng mga nasa resource center ay kamukha rin ng kaso ni Luzel. Marami pa nga sa kanila ang mga pilay o baldado dahil sa pinsalang tinamo sa pagtakas. May ilan pa ngang may diperensiya na sa pag-iisip.
Ang tanong ko lang ay: Bakit ginagawa nang patakaran ng mga opisyales ng DFA at DOLE doon na ipinapasok pa nila sa panibagong abusadong employer ang mga OFW na tumakas na nga sa mga abusadong employer? Kumikita ba sila sa komisyong naiaabot sa kanila?
Mukha ngang kumikita sila. Tulad ng labor attache natin doon na matagal nang inirereklamo ng mga OFW. At hindi na kailangan si VP Binay pa ang lulutas sa ganitong mga problema. Trabaho na ito ng mga hepe ng ahensya.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users) E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo