MAPA-BAGETS MAN o not so bagets na, lahat sila sabik na sabik magbakasyon lalo na kapag holiday season. Hindi lang dahil gusto na nilang magpahinga muna sa pagod na dala ng pag-aaral at pagtatrabaho, kundi gusto rin kasi nila at hindi na sila makapaghintay lalo na kapag panahon ng Pasko, ang makasama ang kanilang pamilya at mahal sa buhay na ipagdiwang ang espesyal na araw na ito.
Kaya, kung minsan, may mga tao na tamad na tamad sumali sa Christmas Party dahil mas gugustuhin nila ang huwag na lang pumasok. Mas nangingibabaw pa nga sa isip nila na gastos lang ito, boring at nakatatamad. Kung ganito na pala ang pag-iisip ng iba, mukhang may problema ‘ata ang mga namumuno sa pagpaplano ng Christmas Party. Mukhang kinakailangan nilang mag-meeting muli at mag-brainstorm para makagawa ng Christmas Party na talagang kapananabikan ng lahat! Mga tao pa naman ngayon, lalo na ang mga bagets, mas gusto nila ang mga party na kakaiba at nakae-enjoy. ‘Yung tipong, party na puro saya ang nangingibabaw. ‘Yung party na matapos idaos, makalilimutan nila lahat ng problema nila. Kaya sa mga namumuno riyan sa pagpaplano ng Christmas Party, isip-isip din kasi ‘pag may time. Isang beses lang sa isang taon ang magdaos kayo ng Christmas party kaya lubus-lubusin n’yo na ito. Bakit hindi n’yo subukan ang mga ideya na aking ibibigay para sa isang kakaibang Christmas Party?
Sa Christmas Party, isa sa pinakaaabangan bukod sa pagkain ay ang exchange gifts. Bakit hindi n’yo kalimutan na ang pagkakaroon ng wishlist kung saan doon nakalista ang regalo na gustong matanggap ng nabunot mo? Tutal masyado nang gasgas ito, napaka-tradisyunal masyado! Subukan n’yo naman ang White Elephant! Mas gawin n’yo pa itong kakaiba. Kinakailangan n’yo ng tulong ng dalawang dice. Kung sino man ang taya, siya ang maghuhulog ng dice, kung anong numero ito tumapat, ‘yun ang bilang ng ikot ng mga regalo. Sa bawat round, kinakailangan buksan pakonti-konti ang regalo. Masaya ito at nakaeengganyo dahil malamang sa malamang, may mga regalo ka na gusto mong mapasaiyo at may mga regalo ka rin na gusto mong iwasan. Dagdag pa sa thrill ang tiyansa na baka makuha mo ulit kung ano ang pinangregalo mo. At, dahil sa White Elephant, magkakaroon ka ng pagkakataon na “i-steal” ang regalo na bet na bet mo.
Aminin naman nating lahat, kahit minsan aburido na tayo sa mga nangangaroling na bata sa labas ng ating mga gate, pero kung tayo naman ang magdya-jamming kasama ang pamilya at kaibigan, aba! Walang problema kung masintunado ka pa. Kaya sa Christmas Party, “it’s your time to shine”, ‘ika nga! Minsan lang mag-Pasko kaya subukan n’yo ng magkaroon ng Christmas carol karaoke night.
Masyado nang gasgas ang spaghetti at pancit na handa sa Pasko! Maganda kung magsasalu-salo kayo sa labas ng bahay habang nag-iihaw ng mga kakainin n’yo. Bakit hindi n’yo subukang magdaos ng Ihaw Party! Masaya ito dahil lahat kayo, paniguradong kakain dahil sa pag-iihaw pa lang, tiyak na matatakam kayo at magugutom nang husto kaya malamang sa malamang, simot lahat ng pagkaing inihanda. Mas nakaaaliw pa kung hatiin lahat ng sumali sa Christmas Party sa dalawang teams, magdaos ng isang game. At kung sino ang matatalo sa game, sila ang mag-iihaw ng mga pagkain at ang nanalong team naman ay mga ala donya at don na sa paghihintay ng kanilang masarap na hapunan.
Hindi naman kinakailangan ng isang magastos na party para maging masaya ito. Ang simpleng salu-salo, basta’t may kakaibang pakulo, solve na solve na! Ang mahalaga, sama-sama kayo sa pagdiwang ng Pasko.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo