BAGO LUMABAS ang pitak na ito, nakauwi na ang 11-man Philippine contingent sa katatapos na London Olympics 2012. Ni walang nakapansin sa kanila. Wala ni katiting na balita sa media. Parang mga binasang ampaw raw ang mga mukha, ayon sa aking informant sa NAIA. May isang biro pa nga na hanggang ngayon ang track and field natin sa 700-meter dash ay tumatakbo para maabot ang finish line sa London Olympics stadium. Ang sakit naman!
Samantala, ang aking barbero, Pete, ay humahangos na nagwika: Isang dosenang kalabasa pasalubong ko sa kanila. Bakit isang dosena? Tanong ko. Isa para kay Pangulong Noynoy dahil sa kapabayaan niya sa sports development. Wa na ako say.
Sa totoo lang, inaasahan ang ganitong kalabasa performance ng ating Olympians. Kung sa SEAG kulelat tayo, ‘yon pa kayang sa Olympics. Natural, kung anu-ano na namang sports development proposals ang lumilipad sa himpapawid. Batikusan. Sisihan. At least, nakasalta ng London ang ating Olympians. Libreng accommodation, sightseeing at pocket money pa. Mga sabit na opisyales, sabit din sa mga ganitong perks.
Talagang nakahahabag ang bayan. Primary exports natin ang mga OFW. National pastime ay graft and corruption. Ano na lang ba ang ating mapagmamalaki?
Bakit ang Kenya, backward na bansa pa sa atin, ay nagwawagi ng at least one gold medal sa track and field kada Olympics? Ganyan din ang Jamaica at Ethiopia. Isa o tatlong athletes lang ang inilahok nito na swak na manalo. Anong meron sila na wala tayo?
Sa 2016 Rio de Janeiro Olympics, isang flag-bearer na lang ang ipadala natin. Si P-Noy o Binay. Salbahe. Pasupla kong wika sa aking barbero. He, he, he.
SAMUT-SAMOT
PARANG TRUMPONG paikut-ikot. Maihahalintulad natin dito ang administrasyon ni P-Noy. Hilong-hilo sa mga problema na ‘di malaman kung papaano haharapin. Kasi walang master plan o agenda. Hala-bira na lang araw-araw. Walang malinis na mapa kung saan patungo ang bayan. Sa wikang Ingles, reactionary governance.
‘PAG MAY baha, o sige, baha at flood control ang pag-usapan. ‘Pag may kidnapping o hostage-taking, o sige, ito ang pag-usapan. ‘Pag may massive brown-out, o sige, brown-out ang pag-usapan. Ganyan ang ‘Pinas araw-araw. Paikut-ikot. Pagulung-gulong. Parang rolling stones. Mas lalo na sa larangan ng foreign affairs. Puro uwido ang aksyon. Palala nang palala ang Scarborough issue. Ngunit ang Pangulo ay pa-easy-easy lang. 9 taon ang naaksaya sa panahon ni GMA. Anim na taon ang muling naaksaya sa pamamahala ni P-Noy. Wawang ‘Pinas!
NU’NG ISANG Huwebes, hinandugan namin ng munting salu-salo si Fr. Jerry Orbos at dalawang SVP Pilipino missionaries. Alam natin na ang pa-ngunahing advocacy ni Fr. Orbos ay Catholic missions sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa buong panahon ng kanyang pagka-alagad ng Diyos, dito niya ibinuhos ang kanyang panahon. At maraming sektor ang tumutulong sa kanya. Ang dalawang missionaries na kasama niya ay nakabase sa Ecuador at Kenya. ‘Yong sa Ecuador ay mahigit nang 20 taong naninilbihan doon. ‘Yong sa Kenya ay 10 taon lang sa mission. Ibinida nila ang buhay nila. Araw-araw na sakripisyo sa komportableng buhay; nagkasakit ng Malaria at Cholera; nagdanas din ng gutom. At pangungulila. Ngunit lahat ng mga ito, kanilang binalikat nang buong tapang at kasiyahan alang-alang sa pagmamahal kay Hesukristo at pag-ibig sa kapwa. Sa aking pananaw, walang maipaparis sa kanilang kabayanihan sa buhay sa lupa.
ONLY IN the Philippines! Isang high-profile inmate ay nakikidnap diumano sa loob ng NBP na walang nakaaalam. Galit na ang mga mamamayan sa kapabayaan ng mga nanunungkulan sa NBP. Kaliwa’t kanan ang iskandalo at balitang kapabayaan. Sa loob ng kulungan, laganap ang drug trafficking. Nangyayari rin ang gabi-gabing lasingan at sugal. Mga kupal!
TILA ‘DI husto isang maghapon ‘pag kami ng aking maybahay ay ‘di makapagsimba sa hapon. Sa totoo lang, ang pagsimba ang pinakamakahulugan at pinakamaligayang bagay ng
aming araw. Doon kami sa Christ the King Church, Greenmeadows, Q.C. Puro kami mga senior citizens at naghahanapan ‘pag absent ang isa. Ganyan ‘ata ang batas ng pagtanda. Talikuran ang ‘di magandang nakalipas at magbalik-loob sa Diyos. Habang may palugit pang panahon.
MAPANGANIB ANG pamumuhay ngayon. Ang climate change ang unang nakababagabag. Nabaligtad na ang normal na daloy ng panahon. Patuloy ang pag-ulan. At ang mga natural calamities kagaya ng labis na pagbabaha. Sa buong mundo, ganito ang nangyayari. Naghihimagsik ang kalikasan dahil sa ating malubhang pag-aabuso at kapabayaan. Kaawa-awa ang susunod na henerasyon.
KAPIT, HUWAG bumitaw sa ating pananampa-lataya. Araw-araw, ito ang pinanggagalingan ng lakas at tapang ko sa masalimuot na pakikibaka sa buhay. Malimit pinanghihinaan ako ng loob. Gusto ko nang sumuko at padala sa mga tukso. Subalit laging dumarating ang tulong ng Diyos. Kapit, huwag bibitaw.
KUNG SAAN-SAAN nagmumula ang problema. Sa sariling pamilya, sa ibang tao – lahat na mga kaugnay ng buhay mo. Pinakamahirap na problema ay problema ng kalusugan. Sa pagtanda ngayon, nanamnam na talagang “health is wealth”.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez