Kalaswaan at Jueteng ni Aging

MARIIN ANG GINAGAWANG kampanya ng MMDA laban sa mga billboard sa Metro Manila na ayon kay Chairman Francis Tolentino ay nalaladlad ng kalaswaan.

Sa unang bugso pa lamang, parekoy, ay sinampulan na agad ni Tolentino ang billboard na nagpapakita sa mga lalaking “brief” lamang ang suot.

Masyado raw mahalay at nakaka-distract ng atens’yon.

Wow, ha! Bakit chairman, personal mo bang naranasan ‘yon doon sa nasabing billboard?

I mean, nadi-distract ba ang atens’yon mo kapag nakakakita ka ng mga lalaking nakasuot lamang ng “brief”?

Hak, hak, hak, ‘wag kang ganyan chairman ha? Ang ganda mo pa namang lalaki, kaya hindi ka dapat makaramdam ng ganyan!

Ito lang, parekoy, ang nais nating ipaabot kay Chairman Tolentino.

Na ang kalaswaan ay gaya rin ng kagandahan.

Na nakadepende sa mga mata ng “beholder”!

May mga tao na sa tingin natin ay pangit.

Ngunit para sa iba, ito ay g’wapo o maganda.

Gaya rin ng katawan ng isang tao.

May nagsasabing ito ay malaswa kapag nakahubad, ngunit sa iba naman ito ay “sining”.

Kaya nga ipinipinta!

Ang sabi kasi ni Chairman Tolentino, bakit daw mayroong mga naka-panties lang o kaya ay brief?

Susmarya ka naman chairman, oo. Eh, kung ‘yon ang produktong ina-advertise!

Alangan namang brief ang ina-advertise tapos ulo ang ipapakita?

Dapat siguro, parekoy, limiin munang mabuti ni Chairman Tolentino ang tungkol sa bagay na ito.

Dahil kung tayo ang tatanungin ay mayroong mas masahol kaysa sa kalaswaan.

‘Yan ay ang pagiging ipokrito!

DAPAT SIGURONG PAIMBESTIGAHAN na ni PNP Chief Dir. General Raul Bacalzo ang iligal na sugal ng gambling lord na si Aging Lisan sa Olongapo.

Nakakaladkad kasi, parekoy, ang pa-ngalan ni Gen. Bacalzo.

‘Yan ay dahil na rin sa kayabangan ng mismong mga tauhan ni Aging Lisan na hindi raw maaaring matigil ang Jueteng ni Aging sa Olongapo.

Biruin n’yo, parekoy, ipinangangalandakan nitong mga tauhan ni Lisan na umaabot daw sa opisina ni Gen. Bacalzo ang kanilang lingguhang payola!

Susmaryosep!

Ano naman kaya ang ikakatuwiran ni Olongapo City Mayor James “Bong” Gordon, Jr.?

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleNora Aunor is set to do a period movie with Laguna Governor ER Ejercito
Next articleMercedes Cabral, the new hot babe!

No posts to display