PASUKAN NA naman at lahat ay nakatutok sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral. Hindi naman natin masisi ang ating mga kababayan dahil edukasyon nga lang daw ang tanging maipapamana nila sa kanilang mga anak. Tama naman ang ganitong pilosopiya at sumasang-ayon ako rito.
Ang nakaliligtaan lang lagi ng marami ay ang kapakanan ng mga nagbibigay ng kaalaman at naghahasa ng talino ng mga mag-aaral. Hindi gaya sa ibang bansa, ang mga guro rito sa Pilipinas ang isa sa pinakakawawang manggagawa. Bukod sa kakarampot na sahod, nalalagay pa sa alanganin ang buhay nila tuwing mayroong eleksyon.
Ang pagiging isang guro nga raw ay mayaman lamang sa kaibigan at pagmamahal mula sa kanilang mga mag-aaral. “Hindi ka yayaman sa pagtuturo.” Ito ang karaniwang kaisipan sa propesyong ito. Kaya naman maraming mga gurong nakikipagsapalaran sa ibang bansa kahit na ang mga trabahong pinapasok ay pagkakatulong lamang at iba pang mababang-uri ng trabaho.
Kailangan talagang gawin nila ang ganitong bagay dahil wala namang ibinibigay na suporta ang ating pamahalaan noon pa man sa mga kaguruan. Wala ring mga batas na ipinapasa para mapabuti ang kanilang buhay. Sa artikulong ito, nais kong pag-usapan ang iba’t ibang kalbaryo ng mga minamahal nating guro.
TAUN-TAON NA lang ay nagtataas na lang ng tuition fee ang mga pribadong paaralan. Lagi namang pinapayagan ito ng pamahalaan dahil sa kasunduang ang 70-80% kita mula sa pagtataas ng matrikula ay dapat mapunta sa mga guro. Kung nasusunod lamang ito ay wala na sanang naghihirap na guro.
Nangangahulugan lamang na hindi napupunta sa mga guro ang mga pagtataas sa matrikula dahil patuloy na nahihirapan ang marami sa ating kaguruan. Bakit hindi tutukan at busisiin ng pamahalaan kung naibibigay sa mga guro ang tamang umento mula sa pagtataas ng matrikula ng halos lahat ng pribadong paaralan dito sa Maynila?
Natitiyak ko na sa mga kabang-yaman lamang ng mga nagmamay-ari ng paaralan napupunta ang lahat ng kinita mula sa pagtataas. Hindi nila ibinibigay ito sa mga guro at walang magawa ang ating mga guro kundi sumunod lamang at natatakot na magreklamo sa DepEd o CHED dahil baka mawalan pa sila ng trabaho.
Hindi dapat magbulag-bulagan ang pamahalaaan sa pandarayang ginagawa ng mga may-ari ng paaralan. Dapat ay magbantay sila sa tamang pasuweldo at mag-imbestiga sa mga gurong naging biktima ng ganitong kalupitan at pagsasamantala.
ANG K-12 ay papalapit na at papalapit na rin ang isa pang kalbaryo ng mga guro. Ang mga part-time instructors sa college na nagtuturo ng mga general education program o kilala rin sa tawag na GE courses ay tiyak na mawawalan ng trabaho sa loob ng dalawang taon kapag nagkaroon na ng grade 11 at 12 sa high school. Dahil ito sa walang papasok na first year sa college sa loob ng dalawang taon. Ang mga freshmen kasi ang kumukuha ng mga GE courses sa kolehiyo. Ito ang direktang epekto ng pananatili ng mga high school students sa grade 11 at 12 sa 2 years extension sanhi ng K-12.
Kung ganito ang mangyayari ay dapat pag-isipan ng pamahalaan kung paano masusuportahan ang mga part-time college instructors. Maraming bilang ang nasa hanay ng mga part-timers kumpara sa mga full-time faculty. Paano kakain ang mga pamilya nila at paano rin nila tutugunan ang pangangailangan ng mga anak nilang nag-aaral pa lang?
Hindi kailan man nabanggit ng mga opisyal ng DepED at CHED ang isyung ito. Ngunit ito ang pangamba ng maraming guro sa kolehiyo ngayon. Dapat ay mapag-usapan ito sa media at sa maraming forum upang magising ang tila natutulog sa pansitan na mga opisyales ng pamahalaan. Dapat ding kalampagin ang Senado at Kongreso para makagawa na sila ng mga batas na tutulong sa ating mga kaguruan.
NAPAKARAMING MGA batas ang maaaring gawin para matulungan ang ating mga Ma’am at Sir. Una ay puwedeng gumawa ng batas na mag-aalis ng pagbubuwis sa mga guro. Kung hindi man mabigyan ng malaking pasahod ang mga kaguruan ay makatutulong nang malaki sa kanilang pananalapi ang hindi pagbawas ng buwis mula sa kanilang kita.
Maaari ring magpasa ng batas na magbibigay ng scholarship sa anak ng mga teachers. Malaking tulong sa kanila ang libreng pag-aaral ng kanilang mga anak mula elementarya hanggang kolehiyo. Makabubuti rin kung magpapatayo ng libreng pabahay ang pamahalaan para sa mga guro. Mas darami ang guro sa ating lipunan kung magiging ganito ang suporta ng pamahalaan sa kanila.
Tandaan natin na walang magiging doktor, abogado, inhinyero, sundalo, mayor, senador at pangulo ng bansa kung hindi sa mga gurong nagturo sa ating lahat. Sa pamamagitan ng pagpapahalaga at pagtulong ng pamahalaan sa mga katulad nilang mga guro, tayong mga natuto at naging propesyonal ay makababayad ng utang na loob.
Sana ay kumilos ang pamahalaan para sa adhikaing ito. Ang pagiging guro, sa kabila ng kawalan ng maayos at sapat na kita para makaahon sila sa kahirapan, ay patuloy na pinipiling karera ng marami sa ating kababayan dahil sa pagmamahal sa propesyong pinakamarangal sa buong mundo.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong at reklamo, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo