ANG EDUKASYON lang daw ang tanging pamana ng mga magulang na salat sa yaman, sa kanilang mga anak. Marahil ito ang madalas na nasasambit ng mga magulang ngayon sa kanilang mga anak, kapamilya at kaibigan. Ngayong kabi-kabila ang mga graduation ceremonies, maraming mga kuwento ng tagumpay at pagsisikap ang nasa likod ng mga nagsipagtapos.
Ang mahalagang tanong ay ano ang pamantayan ng kahalagahan ng edukasyon sa Pilipinas? Ano ang antas ng kalidad nito?
Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang dalawang isyu na may kinalaman sa kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Una ay ang napipintong paglilipat sa simula ng pasukan sa mga malalaking unibersidad dito sa Maynila at ang mga palitan ng kuru-kuro hinggil dito. Pangalawa ay ang pulitikang bumabalot umano sa Philippine Military Academy (PMA) at Philippine National Police Academy (PNPA) na may kinalaman sa mga puwestong pumapabor sa mga graduates ng PMA
ANG MGA nagsusulong ng pagbabago sa simula ng tinatawag na “academic calendar” mula June patungong July ay naniniwala na magagamit natin nang mabuti ang mga opurtunidad na papasok para sa ating ekonomiya at mag-aaral sa pagsisimula ng tinaguriang “Integration of the Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).”
Sa pagpapareho ng school calendar natin sa siyam na ASEAN member-states, magkakaroon tayo ng pagkakataon na magkaroon ng mga joint program at partnership sa ibang mga unibersidad sa mga bansang kabahagi nito. Ang mga mag-aaral at guro natin ay maaaring magpunta at makipagpalitan sa mas malawak na exchange student-faculty programs. Maaari ring mas marami nang mag-aral dito pagkatapos ng high school education nila Roon sa kanilang bansa dahil nakasasabay tayo sa kanilang school calendar.
Ngunit hindi umaayon dito ang chairman ng House Committee on Higher and Technical Education na si Pasig Representative Roman Romulo. Mas maigi umano na itaas ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa at gawing globally competitive, kaysa palitan ang kalendaryo ng pasukan.
Hirit ng Kongresista na kahit hindi baguhin ang simula ng pasukan basta siguraduhin na maging globally competitive ang edykasyon dito ay mag-aakit ito ng maraming mga foreign students.
Base sa huling report ng Bureau of Immigration ay nasa 47,478 ang kabuuang bilang ng mga foreign student na officially enrolled sa mga paaralan sa Pilipnas at hindi pa kasama rito ang mga estudyante galing sa South Korea na bumibisita para kumuha ng “short-term English lessons”.
PERO ANG tanong ko kay Rep. Romulo, bilang chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, anong kongkretong panukala ang maibibigay niya para gawing mas may kalidad at globally competitive ang edukasyon dito sa ating bansa?
Karamihan sa mga mambabatas, puro salita lang naman at walang kongkretong hakbang sa kanilang mga sinasabi. Madaling sabihin na dapat ay gawing globally competitive at itaas ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas kaysa magpalit ng academic calendar. Ngunit paano ito gagawin? Anong hakbang o proyekto dapat ang isagawa para tumaas ang kalidad ng edukasyon at maging globally competitive nga ito?
Mukhang hindi yata niya nakikita ang punto ng programang pagpapareho ng pasukan ng tertiary level education dito sa atin at sa mga karatig na bansa na bahagi ng ASEAN. Ito na sa tingin ko ang isang kongkretong hakbang para maitaas ang kalidad ng edukasyon sa ating mga kolehiyo at unibersidad.
Lalo’t sa bahagi ng mga college faculty na mabibigyan ng oportunidad na makapagturo at makapag-aral sa ibang ASEAN universities. Kung daradami sa ating colleges at universities ang mga guro na may master’s degree at Ph.D. holder mula sa mga sikat na unibersidad na may matataas na kalidad ng edukasyon, mas magiging mabuti ito sa antas ng kalidad ng edukasyon natin.
Mas makadaragdag pa sa kagalingan ng mga guro sa kolehiyo ang kanilang karanasan kung makapagtuturo rin sila sa mga prestihiyosong mga paaralan sa ASEAN gaya ng Singapore National University. Sa kabilang banda naman, daragsa rin sa ating mga unibersidad ang mga exchange foreign professors at visiting professors.
Lahat ito ay mas makapangyayari sa pagkakaroon natin ng magkatulad na academic calendar kadikit ang Integration of the Association of Southeast Asian Nations. Ito ang isang kongkretong hakbang para tumaas ang kalidad ng edukasyon sa atin at maging globally competitive tayo.
MAS MARAMING mga kadete ang nagsipagtapos ngayon sa PNPA kung ikukumpara sa mga nagsipagtapos sa PMA. Ngunit nananatiling “second class citizen” umano ang mga graduates mula sa PNPA.
Ito naman ang sentimyento ‘di umano ng ilang alumni ng PNPA sa isang sulat para kay Pangulong Aquino. Ang mga matatas na puwesto ay okupado ng mga “PMAers” samantalang ang mga graduates ng PNPA ay wala sa tinatawag na “mainstream” ng PNP.
Hiniling ng mga PNPA alumni na dapat ay maging “level” ang playing field sa mga graduates ng PMA at PNPA. Hiniling din nila kay PNP Chief Director General Alan Purisima, isang PMA class 1981, na bigyang-bigat ang merito at kalidad ng trabaho sa pag-a-appoint ng mga PNP officials.
Ano nga ba ang pinagkaiba sa dalawang institusyon bukod sa linya ng kanilang pag-aaral at pangalan ng akademiya?
Ang sagot ay kalidad ng edukasyon.
Ngunit, hindi ko ipinapalagay na mas mahuhusay ang guro, pasilidad at iba pang rekisitos ng isang magandang paaralan sa PMA kaysa sa PNPA. Ang kalidad ng edukasyon ay hindi lang kasi 100% nakasentro sa institusyon.
Mahalaga rin ang kalidad ng mga mag-aaral na tinatanggap sa paaralan. Ang magagaling na pinuno at executive ay magagaling na mag-aaral din. Ang UP, Ateneo, La Salle at UST ay mahuhusay na paaralan dahil may mahigpit silang pagsusulit para masala ang mga mahuhusay na mag-aaral na makapapasok sa kanilang pamantasan.
Ganito rin ang sistema sa PMA sa aking pananaw. Hindi lingid sa atin na mas mahuhusay ang mag-aaral sa PMA kaysa PNPA dahil mas mahirap makapasok dito. Mahirap ang academic entrance exam sa PMA.
Ang punto ko, dapat sigurong pataasin ang “standard” ng exam sa PNPA para masala rin sa mahuhusay na mag-aaral ang maaaring makapasok dito. Maaaring ito ang maging simula ng pagkakapantay ng dalawang institusyong pang-hukbong sandatahan!
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo