Kalokohan sa Cavite PPO

KAUGNAY SA nauna na nating iniulat na si P03 Garcia ang nagpapakilalang bagman ni Cavite PNP Provincial Director S/Supt. John Bulalacao, napa-karaming text messages ang ating natanggap upang kumpirmahin ang bagay na ito.

Ang karamihan, parekoy, sa ating texters ay mismong mga pulis-Cavite na mga naaasar na rin sa iniaasta nitong bagman ni Col. Bulalacao.

Ayon sa kanila, alam naman sa buong “cuartel” (Cavite Provincial Police Office) na siya (P03 Garcia) ang bagman ni PD, eh, bakit kailangan pa niya itong ipangalandakan? Bakit kailangan pa niya itong ipaalam sa buong daigdig? Para ano? Para pangilagan siya ng kanyang mga kapwa pulis?

Ayon sa ating texters, hindi na ito dapat inginangakngak ni P03 Garcia dahil nakakahiya tuloy kung malaman ng taumbayan na sa halip na ang dahilan kaya iniipon ni PD Bulalacao ang lista-han ng mga iligalista ay para lusubin at paghuhulihin ang mga ito, lumalabas tuloy na kaya iniipon ni Col. Bulalacao ang listahan ng mga gambling lord ay upang matiyak na hindi siya nabubukulan ni “Kuya Marlon”.

‘Yan ang mga napapala ng mga opisyal na ang kinukuhang bagman ay magaling kumanta! Hak, hak, hak!

Siyanga pala, parekoy, dahil sa mga texters na ito, nakumpirma tuloy natin na maliban sa isyu ng “collection” sa mga gambling lord, may isa pang raket d’yan sa “cuartel”.

Ngunit in fairness kay Col. Bulalacao, malaki ang posibilidad na hindi umano niya alam ang tungkol sa raket na ito.

Na d’yan pala sa “cuartel” kahit ilang taon nang nakakulong ang mga akusado sa “droga” ay hindi pa rin itine-turn-over ang mga ito sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na siyang itinatadhana ng batas.

Ang dahilan? Pinagkakaperahan, parekoy, ang mga detenidong ito!

Alam naman natin kung gaano kalaking pera ang umiikot sa negosyong droga!

Ito po Col. Bulalacao ang nangyayari d’yan, lalo na kung gabi na, op-kors hindi mo na alam ang kaganapan dahil wala ka na dyan sa “cuartel”.

Unahin natin si Ateng. May preso kayo d’yan na ang pangalan ay Ateng na ang kaso ay drug pushing. Halos tatlong taon na siyang nakakulong d’yan sa cuartel (Imus) pero sa halip na i-turn-over sa BJMP ay namamayagpag ngayon d’yan sa loob ng cuartel.

Noong una, tindahan lamang sa loob ng cuartel at pautang na “five-six” ang kanyang pinagkakaabalahan. Pero nitong huli, bumili na ito ng sariling kotse at malaya niyang minamaneho paikot-ikot sa loob ng cuartel.

Dahil hindi makapaniwala ang ilang pulis na ang dahilan ng pagbili ng kotse ay para paikut-ikutin lamang sa loob ng cuartel, kaya sinubaybayan nila ang “drug pusher” na si Ateng.

At bingo! Kung gabi pala, Col. Bulalacao, ay minamaneho ni Ateng palabas ng cuartel ang kanyang kotse papunta sa kanyang bagong bili ring bahay sa may buhay na tubig!

Naniniwala ka ba, Col. Bulalacao, na sa maliit na tindahan sa loob ng cuartel at “five six” (loan shark) ay makabibili ng kotse at house and lot itong si Ateng? Hindi ka ba naniniwala na ipinagpa-patuloy nito ang kinaugalian nang “drug business”?

Ang masakit, Sir, may basbas pala ito ng isang opisyal d’yan sa loob ng cuartel!

Tsk, tsk, tsk, kahit hindi mo alam ang bagay na ito kernel, pero maniwala ka sa akin, isang araw ay sasabit ka sa isyung ito!

Kilos na, Sir, marami pang bilanggo d’yan sa cuartel na kahalintulad ng kay Ateng!

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09321688734. 

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleKylie Padilla, wala nang ‘special relationship’ kay Aljur Abrenica?!
Next articleSeñor! Señor!

No posts to display