ANG PAGKAIN ay mahalaga dahil ito ang pangunahing pinagkukunan natin ng enerhiya at resistensiya, subali’t kinakailangan nating bantayan ang ating mga kinakain para makamtan ang tamang nutrisyon.
Tuwing buwan ng Hulyo ay ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Nutrisyon upang ipaalala sa atin ang kahalagahan nito sa ating kalusugan at pang-araw araw na buhay. Ngayong taon, nakasentro ang selebrasyon sa pagpapalaganap ng impormasyon at pataasin ang kaalaman ng publiko hinggil sa pagpigil sa pagtaas/ paglobo ng timbang at labis na katabaan (overweight and obesity).
Nilalayon din nito na hikayatin ang mga Filipino na maging physically active upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng pagiging obese o overweight tulad ng diabetes, high blood pressure, sakit sa puso, mataas na kolesterol, stroke, iba’t ibang uri ng kanser (breast, colon, uterus), sakit sa apdo, arthritis, problema sa paghinga, sakit sa atay, at kidney failure.
Ang pagiging obese o overweight ay sanhi ng madalas na pagkain ng energy-dense foods na mataas sa fat tulad ng matatamis, deep-fried foods, French fries, pasta, atbp.; pagkain nang sobra kaysa sa ginagamit ng katawan; walang sapat na ehersisyo; mabagal na metabolismo; kasaysayan ng pamilya (genetics); pagbubuntis; kulang sa tulog; at mga emosyon tulad ng depresyon, galit, at stress na nagiging dahilan ng pagkain nang marami.
Para sa mga kababayan nating overweight o obese, huwag mabahala dahil maaari pa rin namang malutas ang problema ukol dito. Ang mga pangunahing kailangan upang malunasan o maiwasan ang pagiging obese ay diet, ehersisyo, disiplina, medikasyon, o ‘di kaya ay sa pamamagitan ng surgery na siyang modernong paraan sa pagtanggal ng taba sa katawan gamit ang medikal na pamamaraan. Nguni’t pinaaalalahanan lamang po ang lahat na ito ay rekomendado lamang sa mga may malalang kaso ng obesity (Body Mass Index o BMI na mataas sa 40) o sa mga taong hindi na kayang magbawas ng timbang sa pamamagitan ng natural na paraan.
Bukod sa mga sakit na maaaring makuha dahil sa pagiging obese, pinaaalalahanan din natin ang ating mga kababayan na maging maingat sa pagpili at pagbili ng ating mga pagkain. Mahalagang masustansiya at malinis ang ating mga kinakain at inihahain sa ating pamilya upang maiwasan ang malnutrisyon.
Kaugnay nito, alam ba ninyo na ang malnutrition ay covered ng PhilHealth? Ito ay sinasagot ng PhilHealth mula P8,190 hanggang P11,700 kung saan kabilang na ang bayad sa pasilidad at professional fees at maaaring i-avail sa alinmang accredited na pasilidad ng PhilHealth sa buong bansa.
Para sa karagdagang impormasyon, tumawag lamang sa Corporate Action Center ng PhilHealth, 441-7442 o magpadala ng e-mail sa [email protected] o maaari ring bumisita sawww.facebook.com/PhilHealth o sa www.youtube.com/teamphilhealth.
Sources: www.kidney.org ; www.who.int ; www.webmd.com ;
www.whathealth.com; www.scribd.com ; www.mayoclinic.org; www.fnri.dost.gov.ph
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas